EDITORYAL – Maging mapagmatyag sa mga ‘utak pulbura’
ANG nangyaring terrorist attack sa Paris, France noong Sabado ay nangyari na rin sa Pilipinas noong Disyembre 30, 2000 kung saan limang pagpapasabog ang ginawa nang sabay-sabay sa iba’t ibang lugar at ikinamatay ng 22 katao at ikinasugat nang mahigit 100. Tinagurian iyong Rizal Day bombing sapagkat itinaon sa araw ng anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal. Ang mga binomba ay ang Light Rail Transit (LRT) sa Blumentritt Station na pinakamarami ang namatay; Plaza Ferguzon sa harap ng United States Embassy, isang bus sa Cubao, Quezon City, Ninoy Aquino International Airport at isang gasolinahan sa EDSA malapit sa Dusit Hotel sa Makati City. Mga miyembro ng Jemaah Islamiyah terrorist group ang nagsagawa ng pambobomba.
Bagamat marami ang namatay sa Paris, na umabot sa 129, halos magkapareho rin ang layunin na ikalat sa mundo ang lagim ng terorismo. Mga inosenteng mamamayan ang biniktima. Sa kagustuhang sila ang maghari, kahit ang mga inosenteng bata ay idinadamay.
Sa nangyaring bombing sa LRT-Blumentritt Station, kalunus-lunos ang tanawin sapagkat nagkalat ang mga bangkay, tsinelas, mga panghanda sa pagsalubong sa Bagong Taon. May mga dugong tumilamsik sa dingding at sahig ng LRT.
Bagamat nahuli ang mga terorista sa December 30 bombing, hindi pa rin naman sapat iyon para maghilom ang sugat na natamo ng mga biktima. Ang takot ay lagi nang nasa kanilang alaala.
Kung ang France ay nalusutan ng mga terorista, posibleng makalusot din muli ito sa bansa at maulit ang nangyaring pambobomba. Naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga may “utak-pulbura” para maghasik ng lagim.
Ang pagmamatyag ay nararapat na pairalin ng mamamayan. Maging mapaghinala sa mga bagay na iniiwan sa sasakyan --- bus, LRT, MRT, dyipi, taxi, barko, at maski sa loob ng mall, simbahan, school at iba pang pampublikong lugar.
Hindi lamang ang awtoridad ang dapat kumilos, kailangan din ang tulong ng mamamayan para mapigilan ang terorismo. Maging mapanuri at talasan ang pakiramdam sa panahong ito.
- Latest