Mga palaboy sa Maynila, nasa ‘outing’ na kaya?
Malinis ang kahabaan ng Roxas Boulevard partikular ang baywalk, hindi lang sa basura kundi maging sa mga palaboy na naglalagi at halos doon na nakatira.
Magandang tignan ang lugar, maaliwalas kasi nga nawala ang mga kari-kariton at tolda-tolda na lugar na kadalasang tinutulugan ng mga palaboy.
Kung meron mang bumabalik na mangilan-ngilan , agad itong naitataboy dahil may nakatutok na nagbabantay.
Kasama kasi ang pagpapaganda sa lugar kaugnay sa nalalapit na APEC summit.
Tanong ng marami, asan na ang mga palaboy na naglalagi dito.
Dati kasi kahit anong taboy, mayamaya lang nandyan na naman sila.
Mukhang wala na nga o kung meron man madalang na lang ang nakikita sa lugar.
Biro nga ng marami, baka nagsimula na nga raw ang outing ng mga ito para sila maitago.
Hindi nga ba’t nang dumating ang Pope sa bansa ay pinagkukuha ang mga palaboy at dinala sa resort sa labas ng Metro Manila ng ilang araw.
Itinatanggi naman ng DSWD na may magaganap na outing, gayunman may ulat na bibigyan na lang ng tig-4,000 cash ang mga ito, na maaaring gamitin para umupa ng matitirhan.
Pero wala naman daw itong kinalaman sa gaganaping APEC.
Eto ngayon ang magiginhg problema, baka imbes na luminis sa mga palaboy ang lugar at iba pang lugar na maapektuhan o dadaanan ng mga dayuhang participants sa APEC eh lalong magsidami ang mga ito.
Baka ngayon pa lang magkusabahan na ang mga ito para matulog sa lansangan para maka-ambon ng ‘cash’ gift buhat sa pamahalaan.
Baka mas marami ang dumayo, o kahit hindi palaboy eh magpanggap na palaboy para lang makakuha ng cash.
Ang nakakaduda pa raw dito, eh bakit sa tuwing may mga bisitang dayuhan lang ang pamahalaan at saka nabibigyang atensyon ang mga palaboy.
Malamang pagkatapos ng APEC, nandyan na naman ang mga ito, balik sa dating gawi at gaya ng dati, wala na namang paki ang pamahalaan.
- Latest