Sir Juan (28)
“BAKIT napangiti ka Nectar nang sabihin kong sa pabrika nagtatrabaho si Mahinhin?’’ Tanong ni Sir Juan.
“A wala naman po Sir Juan. Napangiti lang po.’’
“Panggabi raw siya sa pabrika at sa araw naman nag-aaral. Third year irregular daw siya sa Business Administration.’’
“Talaga ha?’’
“Parang duda ka, Nectar.’’
“Hindi naman po.’’
“Kailangan daw mag-work siya dahil wala na siyang inaasahang magulang. Namatay daw ang mga ito nang lumubog ang barko. Wala naman daw siyang kamag-anak dito sa Maynila.’’
“Marami ka na palang alam kay Mahinhin, Sir Juan.’’
“Ikinuwento kasi niya akin noong naghahanap siya nang matutuluyan.’’
“Pero siguro, hindi lahat ay totoo ang sinabi niya.’’
“Bakit mo naman nasabi?’’
“Wala lang Sir Juan.’’
“Parang galit ka kay Mahinhin, Nectar.’’
“Hindi! Hindi ako galit. Sir Juan.’’
“Sana ay maging magkaibigan kayo ni Mahinhin. Gusto ko ay magkakaibigan ang lahat dito. Iyan pati ang sinabi ng aking ina. Maganda raw sa isang bahay ay magkakasundo ang lahat at walang nag-aaway.’’
“Hayaan mo at magiging magkaibigan kami ni Mahinhin, Sir Juan.’’
“Salamat naman, Nectar.’’
Tiningnan ni Nectar si Sir Juan na parang nanunukso at saka bahagyang inilabas ang dila.
Hindi makalaban ng titigan si Sir Juan. Talo siya ni Nectar. Pero hinahamon talaga siya ng babaing ito. Kung hindi lang baka malasin ang negosyong iniwan ng kanyang nanay ay baka may nagawa na siya kay Nectar.
“Sige Nectar, may gagawin pa ako sa opis.’’
Muli siyang tiningnan nang malagkit ni Nectar.
Umalis na si Sir Juan. Nagpipigil siya.
KINABUKASAN, natiyempuhan ni Nectar si Mahinhin sa laundry room. Hindi na siya mapakali kaya tinanong ito.
“Saan ka nga nagwo-work, Mahinhin?’’
“Ha? A e sa kuwan, sa pabrika.’’
Napangiti nang mapakla si Nectar.
(Itutuloy)
- Latest