APEC, dapat ipaliwanag sa mga Pilipino
DAPAT, ngayon pa lang ay ipinaliliwanag na ng gobyerno ng Pilipinas ang kahalagahan ng pagdadaos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa bansa.
Bilyong piso ang inilaan ng gobyerno sa pagho-host ng APEC summit na dadaluhan ng mga maimpluwensiyang lider sa buong mundo.
Nagkumpirma na sa pagdalo sina US President Barrack Obama, Russian President Vladimir Putin, Chinese President Xi Jin Ping at iba pang maimpluwensiyang lider.
Sana, ipaliwanag sa mga Pilipino kung ano ba ang magiging pakinabang ng ating bansa at sa papaanong paraan makakabawi sa bilyong pisong gastos sa pagpupulong.
Dahil sa APEC meeting, maraming kalsada ang nilinis sa mga pulubi at palaboy. Ayon sa report, ang mga pulubi ay binayaran ng tig-P4,000 para pang-upa ng bahay sa loob ng isang linggo habang may APEC.
Pawang perwisyo sa mga Pilipino ang lumulutang ngayon sa APEC summit tulad na lang ng pagkansela ng napakaraming flights sa NAIA at ang pagsasara ng ilang kalsada na dadaanan ng mga delegado.
Kahit ano pa ang mapagkasunduan lalo na sa usapin ng ekonomiya, hindi rin makakasabay ang Pilipinas sa pag-unlad dahil hindi naman totoong kumikilos ang gobyerno upang mapasigla ang lahat ng sektor na sangkap sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Tiyak na ang makikinabang sa APEC summit ay ang mga malalaki at mayayamang bansa na may maayos na plano upang paunlarin ng husto ang kanilang ekonomiya samantalang ang Pilipinas ay mananatiling lugmok at aasa sa mga mayayamang bansa.
Kung sa sektor ng turismo ay lalong walang mahihita ang Pilipinas dahil tinabunan na ito ng laglag bala modus sa NAIA. Mabagal din ang gobyerno sa pagsupil sa nasabing kontrobersiya na nakakuha ng pansin sa international community. Kaya sumatotal, walang mapapala ang Pilipinas sa APEC summit at nag-aksaya lang tayo ng bilyong piso.
- Latest