EDITORYAL – Hanggang kailan magtitiis ang commuters ng MRT?
KAHAPON ay muli na namang nagkaroon ng aberya ang Metro Rail Transit (MRT). Mula North-EDSA Station hanggang Shaw Blvd Station lamang ang biyahe dahil may na-detect na hairline fracture umano sa riles malapit sa Taft Avenue Station. Ito ang ikalawang aberya sa linggong ito ng MRT. Noong Lunes, nagkaroon ng technical glitch ang isang tren ng MRT sa North Avenue Station.
Hanggang kailan magtitiis ang may 500,000 pasahero ng MRT? Ngayong 2015, pawang pasakit sa mga pasahero ang idinulot ng MRT. Sunud-sunod ang aberya: Tumitirik, bumubukas ang pinto, nag-o-overshoot sa riles, umuusok, biglaang pagpreno at iba pang hindi magandang pangyayari. Ang nakadidismaya pa, nangyari ang mga ito kung kailan nagtaas ng pamasahe ang MRT. Nagtaas ng 50 percent sa pamasahe noong nakaraang Enero 2015. Binulaga ang commuters sa biglaang pagtataas ng pamasahe at ang isinukli ay ang walang katapusang pagdurusa sa araw-araw. Kung kailan nagtaas ng pamasahe saka lalong pumalpak ang serbisyo.
Sabi naman ni Transportation and Communication Sec. Joseph Abaya, sa susunod na taon daw o sa first quarter ng 2016 ay magkakaroon na ng improvement ang serbisyo ng MRT. Dumalo si Abaya sa public hearing ng Senado ukol sa mga problema ng MRT. Parating na raw ang mga bago pang tren. Magkakaroon na rin daw ng elevator ang mga stations. Pero duda si Sen, Grace Poe, chairman ng komite sa mga sinabi ng DOTC secretary. Hindi siya kumbinsido na maidideliber sa target date ang mga pinangako sa MRT. Sabi ni Poe, nangangailangan daw ng bagong pinuno ang DOTC para madeliber ang mahahalagang serbisyo sa taumbayan. Kamakailan, sinabi ni Sen. Chiz Escudero na dapat nang sibakin ni P-Noy si Abaya sapagkat kahihiyan na ito ng administrasyon.
Naniniwala kami sa opinion ni Escudero. Hindi lamang sa MRT nagkukulang si Abaya kundi pati na rin sa isyu ng “tanim-bala” sa NAIA. Malaking kahihiyan na siya.
- Latest