Kumikislot na tapeworm natagpuan sa utak ng isang lalaki sa California
BIGLANG sumakit ang ulo ni Luis Ortiz, 26, habang nag-i-skateboarding malapit sa kanilang bahay sa Napa, Calfornia. Napakasakit at pakiramdam ni Luis, may kumikislot sa loob ng kanyang ulo o utak.
Pakiramdam ni Luis ay mamamatay siya sa sakit.
Umuwi si Luis na matinding-matindi ang sakit ng ulo. Malabo na ang tingin niya at bigla siyang nagsuka.
Isinugod siya ng kanyang ina sa ospital. Lalong sumama ang kanyang kondisyon hanggang sa ma-coma siya.
Gumawa ang mga doktor ng maliit na butas sa kanyang ulo para ma-drain ang kanyang namamagang utak.
Pagkaraan nang maraming tests, nalaman ang dahilan ng pananakit ng ulo ni Luis. May mga buhay na tapeworm sa utak nito! Ang mga iyon ang kumikislot sa utak ni Luis.
Sabi ng mga doktor kung hindi naisugod si Luis sa ospital baka namatay na ito. Gumagawa na umano ng cyst sa utak ni Luis ang tapeworms at iyon ang nagpapabara kaya grabe ang sakit na nararamdaman.
Agarang inalis ang cyst at tapeworms sa utak. Nagpapagaling na si Luis sa ospital subalit sabi ng doktor bahagyang naapektuhan ang memorya nito.
Ayon sa mga doktor ang tapeworm infections ay nangyayari kapag ang pagkain o tubig ay na-contaminate ng itlog ng tapeworm. Nangyayari raw ito sa buong mundo.
- Latest