Sir Juan (23)
“NGAYON lang kasi ako nakapaglaba dahil nga working student ako,’’ sabi ni Mahinhin habang inaayos ang mga damit na kinuha sa drier. “Wala na kasi akong time. Kahit Sabado at Linggo ay may work ako.’’
Nakaismid si Nectar habang nakikinig kay Mahinhin. Hinahayaan niya itong magkuwento nang magkuwento.
“Mabuti nga at mabait si Sir Juan at tinanggap ako. Kung hindi niya ako tinanggap ay baka kung saan-saan ako napunta. Malapit na malapit kasi ito sa school at sa work ko. Isang sakay lang mula rito at puwede ring lakarin.
“Mabuti at may katulad ni Sir Juan na matulungin sa katulad kong nag-iisa na sa buhay. Maski yata ang nanay niya ay mabait din sa mga kapuspalad na boarder.’’
Napahinga si Mahinhin. Tiningnan si Nectar.
“Ikaw mabuti ka pa at full student ka. Wala kang ginagawa kundi mag-aral. Siguro mayaman kayo.’’
Umismid lang si Nectar. Hindi nagsasalita. Hinayaan niyang magsalita pa nang magsalita si Mahinhin.
“Kung hindi kay Sir Juan ay baka sa isang marumi at maipis na kuwarto ako nakatira ngayon. Napakabait talaga ni Sir Juan.’’
Hindi na nakatiis si Nectar.
“Hindi naman talaga pinatitirahan ang kuwartong iyon e kung bakit dun ka inilagay.’’
“Sabi nga sa akin ni Sir Juan. Pero okey lang sa akin kung ililipat ako. No problem. Kung ililipat ako sa kuwarto n’yo e di okey.’’
“Naku! Naku! Wala nang bakante sa amin. Hindi ka puwede roon.’’
“Ganun ba?’’
“Sasabihin ko kay Sir Juan na huwag sa kuwarto namin ikaw ilipat.’’
Hindi nagsalita si Mahinhin.
Maya-maya nagpaalam, na si Mahinhin. Tapos nang maglaba.
“Sige ikaw naman ang gumamit. Thanks.” Sabi nito kay Nectar.
Hindi sumagot si Nectar. Pero may iniisip.
(Itutuloy)
- Latest