‘Guardian Shield’ totoong superhero na nagpapatrulya sa Oregon
NAKAKATULOG nang mahimbing sa gabi ang mga residente ng Beaverton, Oregon sapagkat alam nilang may tunay na superhero na nagbabantay sa kanila. Alam nilang nasa kalye at nagpapatrulya si “Guardian Shield”. Ligtas sila sa anumang kapahamakan.
Si “Guardian Shield” ay totoong tao subalit hindi siya nagpapakilala. Nakamaskara siya at kumpleto sa gamit para masigurong kaya niyang protektahan ang komunidad sa mga gumagawa ng kasamaan.
Ang armas ni “Guardian Shield” ay pepper spray, stun gun, baton, flashlight, first aid kit, GoPro camera, at ang kanyang kalasag (shield).
Nang kapanayamin ng isang TV station si “Guardian Shield” sinabi niyang seryoso siya sa ginagawang pagpapatrulya bawat gabi. Lahat daw ng ginagawa niya ay lehitimo. Gusto raw niyang masiguro ang katahimikan sa gabi, walang magnanakaw o sisira sa mga kotseng nakaparada, walang nag-aaway sa kalye at lahat nang tao ay ligtas nang nakauwi sa kani-kanilang bahay.
Sabi pa ni “Guardian Shield”, alam daw ng mga pulis ang ginagawa niya at wala namang tutol ang mga ito. Gayunman pinayuhan din siya na huwag sasagupa sa mga criminal na may malalakas na armas. Dapat pa ring tawagin ang mga pulis sa mapanganib na sitwasyon.
- Latest