EDITORYAL – Kawawang mga ‘boss’ na nabibiktima ng ‘tanim-bala’
KAYO ang “boss” ko,” sabi ni President Noynoy Aquino sa bawat talumpati niya sa SONA. Ang mamamayan ang kanyang mga “boss”. Pakikinggan niya ang hinaing ng mga “boss”. Pero hindi ito nagkakatotoo ngayong ang mga “boss” ay nabibiktima ng “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Nakakahiya na ang nangyayari na sa loob isang buwan, 100 kaso na umano ng “tanim-bala” ang nairereport pero hanggang ngayon, malamya ang pamahalaan at tila walang balak na lutasin o hulihin ang mga nagtatanim ng bala sa airport. Para bang sa kanila, hindi naman problema ang mga report sa “tanim-bala”. Ipinagwawalambahala ang nangyayari gayung marami na sa mga OFW, balikbayan at turista ang nabiktima ng “tanim-bala”. Sa takot ng mga paalis na OFW, binabalutan na nila ng plastic ang kanilang luggage para hindi mataniman ng bala. Pati ang mga handbag ng babae ay binabalutan ng plastic dahil sa takot na mataniman ng bala. Sabi ng isang babaing OFW, nakadidismaya ang nangyayari ngayon sa NAIA na ayaw mo nang hiwalayan ng tingin ang dala-dalahan sa takot na mataniman ng bala. Natatakot daw sila gayung nasa sarili silang bansa. Ang pinaka-huling biktima ng “tanim-bala” ay isang 65-anyos na lola na patungong Singapore. Nakita raw sa handbag ng lola ang bala. Labis ang pagtataka ng lola kung paano nagkaroon ng bala sa kanyang bag.
Kahapon, nagsulputan ang iba pang biktima ng “tanim-bala” at pawang nagtataka sapagkat hindi raw naman sila kinakasuhan makaraang mahulihan ng bala. Kung talaga raw may dala silang bala, dapat kinasuhan na sila.
Sa kabila na sunud-sunod ang insidente ng “tanim-bala” sa NAIA at pawang batikos ang inaabot ni MIAA general manager Jose Angel Honrado, hindi pa rin ito magawang sibakin ni P-Noy. Kailangan daw ma-identify ang problema at pagsibakin ang solusyon. Sabi naman ni Honrado, magbibitiw siya kung sasabihin mismo ni P-Noy.
Ilang bala pa kaya ang maitatanim sa mga minamahal na “boss” bago tuluyang malutas ang problema sa NAIA? O hindi na malulutas dahil wala namang pakialam sa mga sinasabing “boss”?
- Latest