Kaluluwang gala o kawatang gala!
Marami na sa mga tanggapan ng gobyerno ang nagdeklara ng half day ang pasok sa araw na ito, para umano mabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga tauhan na makabiyahe ng maaga patungo sa kanilang mga lalagiwan ngayong Undas.
Ito nga’t lalu pa ay hindi long weekend ang inaasahan dahil sa Lunes ay hindi holiday kaya kailangan ang paspasang pagbibihaye ng marami nating kababayan.
Tuwing sasapit ang Araw ng mga Patay na nakaugalian na uso ang takutan, pero ang dapat tandaan hindi dapat katakutan ang mga yumao o patay , kundi mas dapat katakutan ang mga buhay.
Lalu na nga sa panahong ito, ibayong pag-iingat ang dapat na mamutawi sa publiko lalu na sa mga magsisialis ng kanilang bahay.
Kakalat ang mga kawatan, paniguro yan.
Modus na yan taun-taon ng mga ‘ kaluluwang gumagala’, yan ay ang grupo ng akyat bahay. Pagala-gala ang mga yan, kasi nga nagmamasid, inaalam kung kaninong bahay ang iniwang walang taong-bahay at yon ang kanilang tatargetin na limasan.
Kaya nga payo ng pulisya, hangga’t maaari wag iwanang walang tao sa bahay.
Kung hindi maiiwasan, ibilin ito sa pinagkakatiwalaang kapitbahay o kaya ay banggitin sa mga opisyal ng barangay para mapasadahan nila ng ronda.
Tiyakin ang kandado ng bahay, ang mga nakasaksak ng plug alisin lahat , maging ang tangke ng gas isara para iwas sunog.
Mahirap nang masalisihan kaya nga dapat na maging maagap at vigilant para maingatan ang inyong kabuhayan.
Tandaan maglalabasan ang mga mapagsamantalang kawatan o mga kaluluwang gala kaya dapat ito ang matutukan.
- Latest