EDITORYAL – Nararapat kumilos ang ASEAN laban sa haze
NAGKAROON ng bahagyang haze sa Metro Manila pero sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), hindi ito dulot ng forest fire sa Indonesia. Ang haze na nararanasan sa mga probinsiya sa Mindanao, dalawang linggo na ang nakararaan ang positibong nagmula sa Indonesia. Naapektuhan ang mga siyudad ng Davao, Iligan at Zamboanga at isinara ang mga airport doon. Nakarating din ang haze sa Central Visayas. Ayon sa report, nagkakaubusan na ng face masks sa mga nabanggit na lugar.
Bago pa makarating sa Pilipinas ang haze, una nang nabalot ang mga katabing bansa ng Indonesia gaya ng Malaysia, Singapore, Brunei, Vietnam, Thailand at Cambodia.
Ang haze ay mula sa nasusunog na kagubatan. Sa Indonesia ay marami pa ring nagsusunog ng kagubatan para gawing taniman ng palay, gulay, fruit crops at iba pang pananim. Ito ang lumang paraan para linisin ang mga kagubatan o makahoy na lugar. Dito sa Pilipinas, tinatawag itong kaingin. Masyadong talamak ang pagsunog sa mga kagubatan sa Indonesia at hindi na natatakot sa batas ang mga tao roon. Malawak pa ang kagubatan sa Indonesia kaya walang patawad kung sirain sa pamamagitan ng pagsunog.
Ang kinatatakutan ngayon ay ang mga sakit na idinudulot ng haze kapag nalanghap ito. Ayon sa mga eksperto ang haze ay may carbon monoxide, cyanide, ammonia at formaldehyde at nagdudulot sa tao ng pagkahilo at pananakit ng ulo at mga sakit na bronchitis, asthma at pneumonia.
Wala umanong kakayahan ang Indonesia na pigilin ang mga nagsusunog ng kagubatan at wala ring sapat na mga kagamitan para masawata ang pagkalat ng apoy. Nagtutuluy-tuloy ang apoy hanggang lamunin ang mga katabi pang kagubatan.
Sa nangyayaring ito sa Indonesia na wala nang patumangga ang pagsunog sa kagubatan at apektado ang mga kalapit-bansa, dapat nang makialam ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Kung hindi kaya ng Indonesia ang problema sa haze, dapat silang ayudahan. Maraming magkakasakit kung hindi mapipigil ang pagsusunog sa mga kagubatan. Kaila-ngang matigil na ang mali nilang sistema.
- Latest