Sir Juan (14)
SA totoo lang, talagang wala siyang balak na pa-rentahan ang kuwarto ng kanyang inay. Gusto sana niya ay mapreserba ang kuwarto at mapanatili ang itsura at ang pagkakaayos ng mga gamit na parang buhay pa rin ang kanyang inay. Pero wala na siyang magawa kundi sirain ang balak. Kaysa naman walang matirahan si Mahinhin. Kawawa naman. Marami na palang pinuntahang boarding house pero wala nang bakante. At dito nga nagbakasakali at umasang matatanggap. Wala nang magagawa pa kundi ibigay ang kuwarto kay Mahinhin. Sa kagustuhang makatira na agad sa kuwarto ay siya na ang nagpresentang maglinis. At mabilis na natapos. Tala-gang kailangang-kailangan niyang makalipat.
Kung hindi niya tinanggap si Mahinhin, baka nakokonsensiya na siya ngayon. Siguro naman, maiintindihan siya ng kanyang namayapang nanay sa pagpapatira kay Mahinhin.
Mukhang okey naman si Mahinhin. Nasa ayos ang pagba-budget dahil may nakalaan nang pambayad sa renta. Kahit na sinabi niyang sa susunod na lamang bayaran ay iginiit na babayaran.
Namumuhay na mag-isa si Mahinhin. Solo flight sa buhay dahil ulila na. Masikap. Sa mga boarder niya, si Mahinhin lamang ang working student. Mukhang may hinaharap na magandang bukas si Mahinhin.
Kinabukasan, habang nakatayo siya sa may pintuan ng opisina niya, nakita niya si Mahinhin. Papasok na ito sa school. Matiyagang mag-aral si Mahinhin.
Nang makaraan si Mahinhin, si Nectar naman ang nakita niya. Iiwas sana siya pero nakita na siya.
“Sir Juan!’’ Tawag ni Nectar.
(Itutuloy)
- Latest