Sir Juan (7)
HINDI makalaban nang titigan si Sir Juan kay Nectar. Iyon ang isang kahinaan niya kapag may kausap na babae, natatalo siya. Hindi siya makalaban. Talagang torpe siya!
“Ah siguro kaya ka walang asawa ay dahil sa….’’ Sabi ni Nectar at ibinitin ang sasabihin.
Hindi naman makapagsalita o makatingin nang deretso si Juan sa pilyang si Nectar.
“Siguro’y pihikan ka, he-he-he!’’ sabi ni Nectar. “Ano Sir Juan?’’
“Ha a e hindi naman Nectar.’’
“Bakit wala ka pang asawa?’’
“A e kasi’y naging abala ako. Ako kasi ang naging katulong ni Mama rito sa boarding house. Di ba naa-bot mo si Mama?’’
“Oo pero sandali lang Sir Juan. Mabait si Nanay Encar. Type ko sana siyang maging biyenan, he-he-he!’’
Bahagyang napangiti si Juan. Mabiro pala si Nectar.
“Oo nga, mabait si Mama, walang kasingbait.’’
“Pero mabalik tayo sa pinag-uusapan kanina, siguro kaya ka wala pang asawa e dahil may hinahanap ka sa isang babae. Ano bang hinahanap mo, Sir Juan?’’
“Ha? A e kuwan. ‘’Yung maganda siyempre.’’
“Hmmm, maganda ba ako?’’
Hindi makapagsalita si Juan. Natitiyope siya. Hindi siya makalaban kay Nectar.
“Ano pa bukod sa maganda, Sir Juan?’’ Tanong pa ni Nectar.
“A e kuwan, mabait.’’
“Mabait ba ako?’’
Tameme si Juan. Hindi siya makasagot.
Napabuntunghininga si Nectar. Tumitig kay Juan.
Pagkaraan ay tumayo at nagpaalam na.
“Salamat sa info Sir Juan,” sabi at lumabas. Sinundan ng tingin ni Juan si Nectar. Sayang!
(Itutuloy)
- Latest