‘Namamalimos sa Pasig’
HINDI mga myembro o pakawala ng organisadong sindikato ang mga matatandang bulag na nanlilimos sa bahagi ng Ortigas, Pasig.
Sila ang mga invisible people kung tawagin o mga taong hindi nakikita o sadyang ayaw lang pansinin. Ipinalabas ito ng BITAG sa telebisyon kahapon at noong Sabado.
Sa serye ng isinagawang surveillance at field investigation ng aming grupo, iisa ang sinasabing dahilan ng mga dismayadong matatandang may kapansanan sa paningin kung bakit sila nagti-tiyaga sa lansangan.
Hindi daw sila nabibigyang-ayuda ng lokal na pamahalaan ng Pasig City. May programa raw na cash-for-work ang city hall kung saan pinagtrabaho sila ng sampung araw subalit ang kanilang sweldo hanggang ngayon, hindi pa rin daw naibibigay.
Maliban dito, hindi na rin daw tinatanggap ang mga may edad nang bulag na makalahok sa mga programa ng Pasig City tulad ng pagmamasahe at pagkanta sa mga piling pampublikong lugar.
Lahat ng ito, pinabulanan ng City Social Welfare and Development (CSWD) ng Pasig City Hall. Hindi daw totoong mayroon silang hindi pa nababayarang kasama sa kanilang cash-for-work program.
Regular din daw ang kanilang pagre-rescue sa mga namamalimos na mga matatandang bulag sa Ortigas Avenue sa loob ng financial district ng Pasig. Nilinaw din nila na hindi nila hinuhuli ang mga ito.
Subalit, nang hinamon ng BITAG New Generation ang hepe ng CSWD na isagawa ang rescue sa aming mga sabjek, bigla itong kumambyo, wala raw silang magagamit na sasakyan, walang pulis na makakasama at walang mga taong madadala kung kaya’t sa susunod nalang daw na araw nila ito isasagawa.
Patuloy na tututukan ng BITAG ang ganitong uring mga kaso.
Uploaded sa bitagtheoriginal.com ang “Invisible People” click BITAG New Generation.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest