‘Desperado sa susunod na pangulo’
HINDI balita kung nag-file ng certificate of candidacy (COC) ang sinumang mga talpulano at talpulana sa pagka-pangulo.
Ang balitang inaabangan ng taumbayan partikular ng mga overseas Filipino workers (OFW) ay kung nag-file na si Davao City Mayor Rudy Duterte. Hindi si Vice President Jejomar Binay, hindi si Mar Roxas, hindi si Grace Poe at kung sino pang mga personalidad. Hindi rin ako nangangampanya sa kolum kong ito.
Kaya nga nitong mga nakaraang araw na nag-anunsyo si Duterte na hindi na siya tatakbo sa pinakamataas na posisyon sa 2016 national elections, marami ang nalulungkot at nawawalan ng pag-asa.
Sa anumang kadahilanan, hindi naman siya nagdedeklara ng kandidatura pero lalo pang nagiging matunog ang pangalan. Hindi nagsasalita tulad ng ibang mga nag-aasam-asam sa puwesto pero tumataas ang ratings sa survey.
Isa sa mga dahilan kung bakit isinusulong ng tao ang alkalde, dahil nanawa na sila sa uring pamamalakad ng gobyerno ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon.
Matatapos na ang termino ng kasalukuyang nakaupo, pero mataas pa rin ang krimen, marami pa rin ang mga mahihirap, laganap pa rin ang korapsyon at walang nakikita at nararamdamang pag-unlad at pagbabago.
Sa madaling sabi, desperado na ang taumbayan sa gobyerno kaya naghahanap na ng alternatibong mamumuno.
Marami pa ang mga naglalaway sa pwesto at gustong maging presindente ang maglulutangan at magpapa-rehistrong kandidato sa Commission on Elections (Comelec).
Sabi nga ng barbero kong si Mang Igme, sinu-sino pa kayang may mga tagas ang kukote at sapak ang magpapapansin sa media hanggang sa Biyernes? Tsk…tsk!
Pero ano ba ang talagang inaabangang balita?
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest