Sir Juan
MASINOP ang ina ni Juan na si Aling Encar kaya nakapagpundar ng isang lote na may sukat na 150 square meters sa P-Noval St, Sampaloc, malapit sa UST. Nabili ni Aling Encar ang lote sa murang halaga noong dekada 70, bago magmartial law. Ang perang pinambili ay mula sa nakuhang pension sa SSS at sa pinagtrabahuhang bus company ng namayapang asawa.
Nagtayo ng karinderya si Aling Encar sa lupa at doon kinuha ang ginastos sa pagpapaaral kay Juan at isa pang kapatid na ngayon ay nasa Sydney, Australia na at doon na nakapag-asawa. Tanging si Juan na lamang ang nakasama ni Aling Encar sa bahay at nakatulong sa pagtitinda sa karinderya. Paglabas ni Juan sa kanyang klase ay tinutulungan niya ang ina sa paglulurto at paghuhugas ng pinggan. Napakaraming kumakain sa kanilang karinderya dahil masarap magluto si Aling Encar. Halos lahat ng mga estudyante sa UST at iba pang unibersidad sa paligid ay dumadayo sa P. Noval. Dahil doon, marami silang kinikita. Nakaipon sila nang maraming pera.
Maski nang nakatapos na ng Education si Juan ay patuloy pa rin siyang tumutulong sa ina.
Hanggang isang araw, naisipan ni Aling Encar na magpagawa ng isang two-storey house sa lote. Gagawin niyang boarding house at magpapa-bedspace siya. Mas madali ang kita.
“Bakit naisipan mo yun Mama?’’ tanong ni Juan sa ina.
“Tumatanda na ako at baka hindi na ako makapagluto. Mahirap din na laging nasa harap ng kalan. Mabuti kung boarding house at walang gaanong hirap.’’
Napatangu-tango si Juan. Magaling nga ang kanyang ina na mag-isip ng pagkakakitaan. Nakikita ang mangyayari sa hinaharap.
“Pero mga estudyanteng babae lang ang tatanggapin ko kapag nagpa-board ako at bedspace.”
“Bakit naman babae, Mama?’’
“Para walang gulo. Kapag lalaki baka magkaproblema. Yung mga estudyanteng mahihirap ang prayoridad ko. Kawawa naman kung walang matitirahan dito sa Maynila.’’
Napatango si Juan. Mabait talaga ang kanyang ina.
Naipagawa ang two-storey house at tumanggap na si Aling Encar ng student boarders. Pero tuloy pa rin ang pagluluto niya.
Hanggang sa isang araw ay dumaing ng pananakit ng dibdib si Aling Encar. Isinugod ni Juan sa ospital pero dead on arrival. Atake sa puso.
Mula noon, si Juan na ang umako sa responsibilidad. Para makapag-concentrate sa paupahang bahay, itinigil na ang kairnderya.
Tumanggap siya ng mga boarders at bedspacers na mga babaing estudyante. Prayoridad ang walang ikakaya. Iyon ang bilin ng kanyang ina.
(Itutuloy)
- Latest