EDITORYAL - Narito na naman ang mga ‘panggulo’
KAHAPON na-umpisa ng filing ng certificates of candidacy (CoCs) para sa mga tatakbo sa 2016 elections. Nasa 18,069 positions ang nakataya – mula presidente hanggang sa konsehal. Tatagal ang pagpa-file mula Oktubre 12-16 mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Tuwing sasapit ang filing ng CoCs para sa mga nais mag-presidente, maraming dumadagsa sa Commission of Elections (Comelec) para sumali sa karera. Pero hindi na nakakatuwa ang nangyayari ngayon sapagkat ginagawa nang katawa-tawa ng ilan ang pagpa-file ng kandidatura. Sa halip na maging solemn ang araw ng pagpa-file ng kandidatura parang nasisira dahil sa ilan na halata namang “nanggugulo” lamang at nagpapatawa kahit hindi naman sila dapat magpatawa.
Kahapon, umabot na sa 20 ang nag-file ng kandidatura para maging presidente. Kabilang sa mga nag-file ng CoCs si Vice President Jejomar Binay, Augusto Syjuco Jr., Elly Pamatong, Ephraim Defiño, David Alimorong, Ralph Masloff, Camilo Sabio, Freddiesher Llamas, Danilo Lihaylihay, Adolfo Inductivo, Sel Hope Kang, Ferdinand Jose Pijao, Ramon Concepcion, Ferdinand Fortes, Eric Negapatan, Gerald Arcega, Leonardo Bulabula, Alejandro Ignacio, Arsemio Dimaya at Rizalito David.
Lahat naman ay maaring mag-file ng CoCs kahit sa anong posisyon. Basta nasa tamang gulang at isang Pilipino ay may karapatan. Pero dapat ay magkaroon na ng batas na hindi porke at may karapatan ay maaari nang maghain ng kandidatura kahit katawa-tawa. Dapat sa pagpa-file pa lamang ng CoCs ay mayroon nang screening.
Nagiging katawa-tawa na ang pagpa-file ng CoCs ng mga taong halatang nanggugulo lamang. Kahapon, may mga nanggugulo na nagdedebate pa habang sinusulatan ang kanilang form. Nakakatawa na talaga. Dapat ilagay ng mga taong ito ang kanilang sarili sa dapat kalagyan. Totoong may karapatan ang bawat isa pero huwag naman sanang igiit ito sa panahon ng eleksiyon.
- Latest