Sampaguita (185)
SINA Sampaguita at Ram ang pinangasiwa ni Sir Manuel para humanap ng mga trabahador para sa gagawing theme park. Kahit mayroon nang mga tauhan ang construction company ni Sir Manuel, kumuha pa nang maraming tao para maging mabilis ang pagtatayo ng theme parak. Halos lahat ng mga kalalakihan sa Bgy. Susong Dalaga at mga kalapit na barangay ay nagkaroon ng trabaho. Lahat ay kumita dahil sa itinayong theme park.
Ang mga kababaihan naman ay kumita rin sapagkat nagtayo sila ng mga kainan sa paligid ng site. Halos lahat ay nagkaroon ng pinagkakakitaan.
Balak din sana ni Lola Rosa na magtayo ng karinderya sapagkat masarap siyang magluto ng mga ulam, pero hindi na siya pinayagan ni Sampaguita.
“Matanda ka na Lola. Masyado kang mahihirapan sa pagluluto. Hindi naman kita matutulungan dahil abala ako sa trabahong binigay ni Sir Manuel.’’
“Hindi naman ako mahihirapan Apo ko.’’
“Huwag na Lola. Bibigyan na lang kita ng pera. Kapag sumuweldo ako, ibibigay ko sa’yo. Huwag ka nang magluto at baka ka magkasakit.’’
“Sige na nga. Ikaw na nga ang bahala.’’
“Ayaw kong magkasakit ka, Lola. Gusto ko, sa kasal namin ni Ram ay malakas na malakas ka. Ikaw na lamang ang tanging nagmamahal sa akin.’’
“O iiyak ka na naman. Huwag kang mag-alala at hindi ako magkakasakit. Makikita ko pa ang kasal ninyo ni Ram at pati apo ko sa tuhod.’’
“Salamat Lola.’’
“E kailan n’yo ba balak pakasal?”
“Pinag-uusapan na po namin, Lola. Huwag kang mainip at darating din yun.’’
“Sige. Siguro ang saya-saya ko kapag nakita kong naka-trahe de boda ka.’’
Napangiti si Sam.
MAKALIPAS pa ang ilang buwan at nakatayo na ang theme park. Tuwang-tuwa sina Sam at Ram kapag tinatanaw sa malayo ang park. Parang may kaharian silang tinatanaw.
“Ang ganda! Malapit na agad matapos!’’ Sabi ni Sam habang katabi si Ram.
“Oo nga. Ano kaya at sa inagurasyon ng park tayo magpakasal?’’
Napatingin si Sam kay Ram.
“Sige, Ram. Gusto ko ang naisip mo.’’ (Itutuloy)
- Latest