EDITORYAL – Natutulog ang pulis
KAHAPON ng madaling araw, nakunan ng ABS-CBN Channel 2 ang pagrarambolan ng dalawang grupo ng mga kabataan sa Tonsuya, Malabon. May mga dalang armas ang mga kabataan --- sumpak, baseball bat, tubo, samurai, bato at iba pa. May mga tinamaan sa noo, ulo, katawan at braso. Walang takot kung sumugod ang mga kabataan na umano’y mga miyembro ng dalawang magkalabang grupo. Wala silang pakialam kung anuman ang kahinatnan ng kanilang rambulan.
Ang nakadidismaya, naganap ang rambolan sa harap ng Police Communiy Precinct (PCP). Pero wala ni isa mang pulis na nakaresponde sa kaguluhan. At nang puntahan ng TV reporter ang presinto, sarado ang pinto. Nang buksan, huling-huli na natutulog ang naka-duty na pulis. Wala silang kaalam-alam sa nangyayaring kaguluhan. Sabi naman ng hepe ng PCP, nagroronda raw ang mga pulis at walang natutulog sa kanyang mga tauhan.
Kahapon din ng madaling araw, isang karinderya sa Novaliches, Quezon City ang hinoldap ng tatlong lalaking armado. Nilimas ang kinita ng karinderya at walang anumang tumakas sakay ng isang taxi. Wala ring nakarespondeng pulis sa pangyayari. Wala ring nakitang nagpapatrulyang pulis.
Noong isang araw, isang babae ang inagawan ng cell phone habang nakasakay sa dyipni sa C5. Isang tinedyer ang sumabit at walang anumang hinablot ang cell phone at mabilis na tumakas. Wala ring pulis na nakita sa lugar na iyon.
Nang maupo si PNP chief Director General Ricardo Marquez noong Hulyo 15, 2015, sinabi niya na paiigtingin ang pagpapatrulya ng mga pulis. Naniniwala raw siya na kung may police visibility, walang mangyayaring krimen. Sabi niya, “To make patrolling effective, I hereby order the immediate and systematic dispersal of personnel from the national, regional and provincial offices to our front-lines – the Police Stations – based on a well-conceived and properly developed Patrol Plan.”
Sa mga nangyayari ngayon, tila hindi sinusunod ang direktiba ng PNP chief. May mga pulis na tutulug-tulog.
- Latest