KFR bumaba, ‘kidnap me’ tumaas
Malaki ang ibinaba ng kaso ng kidnap for ransom sa bansa kumpara noong nakalipas na taon.
Ayon ito kay Senior Supt. Roberto Fajardo, director ng PNP-Anti Kidnapping Group (AKG).
Base sa datos, PNP-AKG, 50 kaso ng kidnap for ransom ang naitala noong nakalipas na taon. Habang 25 lamang ang naitala mula Enero hanggang sa buwang ito ng kasalukuyang taon.
Hindi lang yan, sampu sa naturang kaso ang nalutas o katumbas ng crime solution efficiency ng 40 percent.
Nasa 29 din na KFR suspects ang na-nuetralized.
Pero eto ha, ang mas matindi ngayon na ikinaaalarma ng PNP-AKG ang pagtaas naman ng kaso ng ‘kidnap me’.
Base pa rin sa datos na inilabas ng naturang tanggapan, nasa 19 kaso ng ‘kidnap me’ ang naitala mula Enero hanggang sa kasalukuyan kumpara naman sa naitalang 10 kaso lamang sa kaparehong panahon noong 2014.
Isa nga rito, ang kaso ng Briton na si Raymond Warwick na pinalutang na kinidnap siya sa Maynila at humingi ng malaking halaga ng ransom sa kaniyang pamilya sa London nitong nakalipas na Setyembre ng taong ito.
Dahil nga rito, nagpapasaklolo na ang (AKG) sa mga kinauukulan para sa pagbalangkas ng batas na magbibigay nang matinding kaparusahan sa mga taong sangkot sa ‘kidnap me’ o pekeng kidnap.
Ayon nga kay Fajardo , apektado ang kanilang pondo at bukod dito ay nasasayang ang kanilang panahon sa mga operasyon na kamukat’mukat ay peke lamang pala, imbes na ang kanilang mapagtuunan ay yaong mga tunay na kaso.
Giit pa nga ng AKG mabigat na kaparusahan ang dapat umano maipataw sa mga taong sangkot sa ganitong modus.
- Latest