‘Laglag bala’, dapat pa bang umabot sa Kongreso?
WOW! Nais daw paimbestigahan sa Kongreso ang napaulat na “laglag bala” na isang modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na bumibiktima sa mga turista at biyaherong Pilipino sa bansa.
Kung ang mga Pilipino ay sadyang mababaw daw ang kaligayahan pero ang ganitong hakbang na iimbestigahan pa sa Kongreso ang nasabing kaso ay sukdulan ng kababawan at kalokohan.
Napakaraming panukalang batas ang nakabinbin sa dalawang kapulungan ng Kongreso at makakabuting ito ay kanilang bigyan ng pansin.
Hindi na kailangan pang pag-aksayahan ng oras ng ating mga mambabatas ang modus na laglag bala dahil mismong ang pamunuan ng NAIA ay kaya na nitong resolbahin ang kaso.
Magsagawa na nang malalimang imbestigasyon ang pamunuan ng NAIA at tiyaking mapaparusahan ang mga gumagawa ng ganitong modus.
Malaking epekto ito sa mga turista kung hindi matitigil ang modus. Kung hindi matukoy ang empleyado ay dapat na managot dito ang mga pinuno ng NAIA.
Hindi dapat balewalain ng pamunuan ng NAIA ang kasong ito pero hindi na kailangang makarating pa sa Kongreso ang kaso.
Personal na alamin ng pangasiwaam ng NAIA ang mga detalye sa mga naging biktima ng “laglag bala” modus upang mas maging mabilis ang pagtukoy sa mga salarin o may kagagawan nito.
Mayroon din naman CCTV sa loob ng paliparan at maari itong maging paunang hakbang ng mga imbestigador.
Kung walang matukoy na salarin ay ang pamunuan ng NAIA ang dapat kastiguhin sa ngalan ng command responsibility.
- Latest