EDITORYAL – Paggiba sa Torre de Manila
PASYA ng Office of the Solicitor General (OSG) na gibain ang 49 na palapag na Torre de Manila dahil sinira nito ang tanawin ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal. Sa memorandum ng OSG, nakasaad na ang monumento ni Rizal ay protektado dahil bahagi ito ng “cultural commons” ng Republika ng Pilipinas. Ipinresenta rin ng OSG ang National Commission on Culture and the Arts at National Museum sa kaso ng Torre de Manila.
Binanggit ni Solicitor General Florin Hilbay na ang permits ng construction ng Torre ay hindi valid. Ang gumawa ng Torre ay DMCI Homes. Ayon pa kay Hilbay, wala raw awtoridad ang city planning and development office (CPDO)na mag-isyu ng zoning permit base sa Ordinance 8119 ng Manila’s zoning ordinance.
Ngayong nagpasya na ang OSG ukol sa kahihinatnan ng Torre de Manila, maaaring mawala na ang masamang tanawin sa likod ng monumento. Dapat lamang na mawala ang masamang tanawin sapagkat nasira nga ang magandang view nang kinaroroonan ng Pambansang Bayani. Pagkaraan nang matagal na panahong inalagaan na huwag masira ang tanawin ay biglang lumutang ang Torre.
Lumabag ang developer ng Torre sa Republic Act No. 4846 (Cultural Properties Preservation and Protection Act) at Republic Act No. 10066 (National Cultural Heritage Act of 2009). Sinimulan itong gawin noong 2012. Inaprubahan umano ni dating Manila mayor Alfredo Lim ang konstruksiyon ng condo at ipinagpatuloy naman sa panahon ni Mayor Joseph Estrada. Mayroon daw itong pahintulot ng konseho ng Maynila.
Unang tumutol sa pagtatayo ng condo ang tour guide at cultural activist na si David Celdran. Nagsagawa ng online campaign si Celdran para mapigilan ang construction. Nagkaroon ng imbestigasyon at napatunayang lumabag sa height restrictions ang condo.
Ngayong may nagpasya na para gibain ang Torre, marami ang umaasang tuluyan na nga itong mawawala sa paningin. Mawawala na ang nagpapangit sa monumento ng Pambansang Bayani.
- Latest