Bakit maraming bumabagsak sa Physics?
PROPESOR sa Physics si Agnes sa isang sikat ng unibersidad. Sa loob ng limang taong pagtuturo niya ay laging 50% ng kabuuang bilang ng mga estudyante ay bumabagsak sa subject na kanyang itinuturo. Kaya sa unang araw pa lang ng kanyang klase ay winawarningan na niya ang kanyang estudyante.
“Class, sinasabi ko na sa inyo na napakahirap ng subject na ito. Noong isang taon at noong nakaraan pang mga taon ay laging bumabagsak ang kalahati ng aking mga estudyante. Kaya kung hindi kayo seryoso sa inyong pag-aaral ay mabuti pang i-drop na ninyo ang subject na ito.”
Nang natapos ang semestre ay nagkatotoo ang sinabi ni Agnes, kalahati ng kanyang mga estudyante ay bumagsak. Dulot nito ay nalagay sa alanganin ang kakayahan ni Agnes bilang guro. Sinabihan siya ng university officials na kung laging kakalahati ang pumapasa sa subject na itinuturo niya, there must be something wrong sa sistema ng kanyang pagtuturo. Hindi man diniretsa, parang gustong sabihin sa kanya na baka siya ang bobong magturo kaya hindi siya maintindihan ng mga estudyante.
Isang araw ay nakabasa siya ng libro tungkol sa positive thinking. At isang ideya ang kanyang nabuo. Iniba niya ang kanyang “welcome statement” sa mga estudyante sa unang araw ng klase.
“Inaasahan ko na papasa kayong lahat sa subject na ito. All of you can do it! Kaya nga kayo nakapasok dito sa eskuwelahang ito ay dahil matatalino kayo. Okey?”
Himala ng mga himala! Nakapasa ang lahat ng mga estudyante sa Physics. Walang binagong sistema sa pagtuturo si Agnes. Words of encouragement lang pala ang makakapagpabago ng ‘trend’ sa kanyang klase. Kasalanan niya ang mga nangyari. Sinisimulan niya ang kanyang klase sa negative statements. Sa halip na ma-challenge ang mga estudyante ay pinanghihinaan lang sila ng loob.
- Latest