Bakit hindi nakita ang biyayang dumating?
SI Jordan ay kabilang sa relihiyon na may mahigpit na panuntunan. Umibig siya sa Katoliko. Nagkataong saradong Katoliko ang pamilya ng kanyang nobya, si Kris. Noong nagpaplano pa lang ikasal, nagkaroon na sila ng problema. Matigas ang paninindigan ng magulang ni Kris: Sa Katolikong simbahan o walang kasalang magaganap. Mahal ni Jordan si Kris kaya pumayag siyang sa Katoliko sila magpakasal. Itiniwalag si Jordan ng kanilang relihiyon kaya nagpabinyag na siya sa Katoliko dahil iyon ang requirement bago magpakasal. Ang kapalit ng pagkakatiwalag niya ay pagtakwil sa kanya ng mga magulang.
Lumipas ang ilang taon, hindi pa rin mapatawad si Jordan ng mga magulang kahit na ilang beses itong lumuhod sa harapan ng mga ito. Pagkaraan ng lampas sa sampung beses ng paghingi ng tawad ay tumigil na ito at ipinagpatuloy na lang ang buhay nila. Maligayang namuhay ang kanyang pamilya hanggang isang araw ay natuklasang may cancer sa lungs si Jordan. Sa sobrang laki ng gastos sa pagpapagamot, naubos na ang kanilang pera sa banko. Bagama’t tumutulong na rin ang mga kamag-anak ni Kris sa kanilang pagpapagamot, hindi pa rin ito nakasapat. Araw-araw ay nanalangin si Kris na magkaroon ng milagro na tumama siya sa lotto. Kung anong dalas niya sa pagsisimba, ganoon din siya kadalas tumaya sa lotto. Paano nga naman tatama kung walang taya? Kung hindi lang galit sa kanila ang pamilya ni Jordan, mainam na makahingi sa mga ito ng tulong dahil mayaman ang pamilya nito sa bandang norte.
Isang araw ay may tumawag sa kanilang landline. Nagkataong nasa ospital sila kaya maid ang nakasagot. Nagpakilala ang caller na siya raw ang ate ni Jordan. Walang iniwang mensahe. Ang number lang sa cell phone ang iniwan sa maid. Nagdadalawang isip si Kris kung tatawagan niya ang hipag. Mataray kasi ang babaeng iyon. Baka kapag nalaman na may kanser si Jordan ay sisihin ang paglipat nito sa Katoliko. May nasabi kasi ang mga ito na sana raw ay hindi parusahan si Jordan ng Diyos dahil sa pagpapalit nito ng relihiyon. Nagpasiya si Kris na huwag tawagan ang hipag. Sa sulok ng kanyang puso, isa sa dahilan ng pagkakasakit ng asawa ay pagtakwil dito ng pamilya at pagtikis na huwag itong patawarin.
Pagkaraan ng ilang buwan ay pumanaw si Jordan. Isang araw ay nagpadala sa kanya ng message sa Facebook ang isang pamangkin ni Jordan. Wala itong kaalam-alam na patay na ang tiyuhin nito. Ayon sa pamangkin, magpapadala sana ng pera ang kanyang hipag dahil lingid sa kanyang kaalaman, humingi pala ng pera si Jordan. Hindi nito sinabi na may cancer siya. Basta’t may malaki raw siyang pagkakagastusan. Naisip ng kanyang hipag na hindi na siguro kailangan ang pera dahil wala nang Jordan o Kris na nag-call back sa kanya.
Sa puntong ito, naisip ni Kris na ang perang ibibigay sana ng ate ni Jordan ang sagot sa kanyang panalangin. Dikta kasi siya nang dikta sa Diyos na bigyan siya ng pera sa pamamagitan ng lotto. Hindi niya naisip na puwede siyang pagbigyan ng Diyos sa ibang paraan. Isa pa, galit sa pamilya ni Jordan ang nangibabaw kay Kris kaya hindi niya nakita ang biyayang dumating sa kanya. Magsisi man siya. Wala na si Jordan. Tatandaan na lang niya ang leksiyong natutuhan sa mga pangyayari.
- Latest