Pamilya ni Sen. Poe, dapat itakwil ang US citizenship
BUKAS ay pormal nang magdedeklara si Sen. Grace Poe ng kanyang intensiyon na sumabak sa 2016 presidensial elections.
Batay sa mga pinakahuling survey, maganda ang mga nakukuha nitong numero na senyales ng malaki ang tiwala sa kanya ng publiko bilang opisyal ng gobyerno.
Magandang puhunan ito ni Poe upang lumaki ang tsansa sa 2016 elections kumpara sa kanyang mga katunggali na napakaraming isyung kinasasangkutan tulad ng katiwalian at kapalpakan sa kasalukuyang posisyon sa gobyerno.
Maituturing na bagito si Poe sa pulitika pero agad itong naging popular at magaan na nanalo bilang senador dahil ang puhunan nito ay ang kasikatan ng kaniyang yumaong amang aktor na si Fernando Poe Jr.
Pero hindi ito sapat upang magaan na manalo bilang Presidente dahil mabigat ang mga isyung lulutang sa panahon ng kampanya at kailangang agad na maresolba ang isyu ng kanyang citizenship at residency.
Gayunman sakaling makalusot si Poe sa senate electoral tribunal, ang haharapin nito ay ang kaso sa Supreme Court na may kinalaman pa rin sa kanyang citizenship at residency.
Sana bago magsimula ang pormal na kampanya sa presidential elections ay boluntaryong iwaksi na ng pamilya ni Poe ang US citizenship ng kanyang asawa at mga anak. Pagpapakita ito ng masidhing intensiyon na mamuno sa bansa kung muling manunumbalik sa pagka-Pilipino ang pamilya ng senador.
Hindi naman maganda na Amerikano ang magiging presidente ng bansa. Ngayon pa lang bago mag-eleksiyon iwaksi na ang pagiging Amerikano upang wala nang isyu na ibato sa panahon ng kampanya.
- Latest