‘Pekeng BITAG Facebook accounts’
HINDI ko alam kung saan kumukuha ng tibay ng sikmura at lamanloob itong mga putok sa buhong magnanakaw ng identidad sa social media.
Garapalan kung manggaya ng pangalan para gamitin sa peke nilang Facebook, twitter, instagram at iba pang account. Ang mas nakakabahala, ginagamit sa katarantaduhan para maka-kolekta ng pera sa mga pobreng biktima.
Isa sa mga paborito ng mga hayupak na ipeke sa social media ang BITAG, BEN TULFO, T3, TULFO BROTHERS o ‘di naman kaya mga palabas namin sa BST Tri-Media Production.
Gagawa ang mga Hestas, Hudas at Barabas ng account partikular sa Facebook. Para mas maging kapani-paniwala ang kanilang panggagantso, magnanakaw sila ng mga picture at video sa mga orihinal na account namin at ia-upload sa kanilang account.
Kapag salat sa kaalaman ang isang indibidwal, malaki ang posibilidad na madala sa mga boladas ng mga nasa likod ng pekeng FB accounts.
Maraming beses na naming in-expose ang modus na ito sa BITAG sa telebisyon, sa BITAG Live sa radyo at telebisyon, sa bitagtheoriginal.com at maging sa kolum na ito.
Ang estilo pa ng ibang mga manggagantso, kapag marami na silang nakuhang ‘likes’ sa fan page, gagamitin ang public service ng BITAG. Pero ang boladas, kung gusto raw mapabilis ng nagsusumbong ang proseso ng kanilang reklamo kailangan munang magpadala ng pera. Hindi nagpapabayad ang BITAG. Libre ang aming serbisyo-publiko.
Kaya patuloy na babala ng BITAG, huwag basta-basta magtitiwala sa mga kumag, kenkoy at kolokoy sa internet.
Ugaliin ring manood ng BITAG Live at mag-log-on sa bitagtheoriginal.com upang malaman ang mga lehitimong social media accounts ng BITAG at nang hindi magantso.
Mag-ingat, mag-ingat!
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest