EDITORYAL – Ipasa ang FOI Bill
SABI ni P-Noy noong 2010, susuportahan niya ang Freedom of Information (FOI) Bill kapag nakaupo na sa puwesto. Pero lumipas ang limang taon, nanatiling pangako ang sinabi niya. Wala na sa prayoridad ang FOI. Pero kapag tinatanong naman siya ukol dito ay sinasabi niyang okey na raw ito. Wala raw pagbabago sa stand nila sa FOI. Ano bang nangyayari at hindi maisabatas ang FOI? Dahil kaya mas mahalaga sa kanya ang Bangsamoro Basic Law (BBL)? Tila wala na siyang interes na maipasa sa kanyang termino ang FOI Bill.
May proposed funding na ang Freedom of Information (FOI) Bill. Maski si House Speaker Sonny Belmonte ay nagpahayag na maaaprubahan ang FOI sa panahon ni P-Noy. Pero tila malabo na nga ang panukalang ito dahil hindi sigurado ang mga sagot ng Presidente.
Kung inaprubahan noon pa ang FOI Bill, maaaring hindi nalustay ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas. Maski ang Disbursement Allocation Program (DAP) ay hindi rin makakaporma kung may FOI.
Nangyari na ang mga pagpapasasa sa kaban dahil walang kapangyarihan ang mamamayan na mahalungkat ang mga transaksiyong ginagawa ng government officials. Katulad na lamang ng ginawa ni Janet Lim-Napoles na nakapagbulsa ng P10 bilyon makaraang lumikha ng pekeng non-government organizations (NGOs). Tatlong senador ang sinampahan ng kaso at nakakulong dahil sa paglustay sa pork barrel --- sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Nakalaya namang pansamantala si Enrile dahil pinayagan ng Supreme Court na makapagpiyansa.
Sana bago bumaba si P-Noy ay malagdaan ang FOI Bill. Mahalaga ito sa mamamayan. Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Dapat nilang mabatid ang mga polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pondo ng taumbayan.
- Latest