Sekyu, nahulihan ng 1,000 itlog sa kanyang refrigerator
HINDI akalain ng may-ari ng isang factory sa Pinghu City sa China na ang kanilang mabait at masipag na security guard ay “bantay-salakay”. Hindi nila naisip paghinalaan kahit minsan ang sekyu na si Gu na pagnanakawan ang binabantayang warehouse ng factory dahil ito ay binata at walang sinusuportahang pamilya. Nagkamali sila sa pagkakakilala kay Gu. At ang nakapagtataka, matagal na pala itong ginagawa ni Gu. Ang paborito niyang nakawin sa warehouse ay mga itlog!
Nahuli ng mga pulis si Gu, isang gabi nang pauwi na ito galing sa duty. Nakita ng mga awtoridad na may bitbit na dalawang suitcases si Gu.
Sinundan siya ng mga pulis hanggang sa kanilang bahay at doon nadiskubre na matagal na pala siyang nagnanakaw sa binabantayang bodega.
Nang halughugin ang bahay, nakita ang sari-saring mga bagay na ninakaw ni Gu sa bodega --- sabong pampaligo, sabong panglaba, boxes ng tissue at marami pang iba. At ang labis na ipinagtaka ng mga pulis ay nang buksan ang refrigerator ni Gu. Nakita roon ang napakaraming itlog --- nasa 1,000 itlog na nakasalansan sa ref. Mayroon ding nakitang mga karne na ninakaw din sa warehouse.
Nagtataka ang mga pulis kung bakit ganoon karaming itlog ang ninakaw ni Gu.
Nang tanungin, inamin ni Gu na pangsarili niyang consumption ang mga itlog. Para raw hindi siya magkamali sa pagkain ng itlog na nasa fridge, nilalagyan niya iyon ng date kung kailan dapat i-consume.
Inamin din ni Gu na hindi na mabilang ang kanyang nanakaw sa warehouse. Lahat daw ng mga bagay na nasa kanyang bahay ay ninakaw niya sa warehouse.
Naghihimas na ng bakal na rehas si Gu dahil sa salang pagnanakaw.
- Latest