Mahal na hearing aid
HINDI naman ako isang eksperto sa mga hearing aid pero, dahil marahil sa tagal ko nang paggamit nito na umaabot na sa halos 23 taon, malimit na nilalapitan at sinasangguni ako ng iba’t ibang tao hinggil sa kung saan o paano nakakabili ng hearing aid o ano ang pinakamura.
Sa kasalukuyang panahon, meron namang internet na makukuhanan ng mga kaukulang impormasyon hinggil sa mga hearing aid bukod pa sa mga anunsyo ng iba’t ibang hearing aid clinic sa mga pahayagan. Nakakalungkot nga lang na karamihan ng mga hearing aid na mabibili sa ating bansa ay puro imported kaya lubhang may kamahalan na umaabot sa mahigit 20,000 o halos P50,000 depende sa brand o model. Mga modelo o brand na makabago at meron pa ngang digital (analog ang tawag sa lumang klase na maugong naman). Pero mga hearing aid na hindi kayang abutin ng bulsa ng karaniwang mga mamamayan na maliliit ang kita.
Minsan, tinanong ko iyong isang tauhan ng isang kilalang hearing aid clinic sa Manila kung lahat ba ng produkto nila ay nabibili sa kabila ng napakataas na presyo ng kanilang mga hea-ring aid. Ipinagmamalaki niyang nauubos araw-araw ang kanilang produkto. Hindi ko tiyak kung totoo ang kanyang sinabi pero, napansin ko na, pagkaraan ng ilang taon, nagsara ang kanilang sangay. Meron silang isa pang sangay sa Manila na nauna nang nagsara sa hindi malamang kadahilanan.
Ang problema sa mga mamahaling hearing aid na ito, kapag may nasirang mga piyesa tulad ng amplifier, hindi na magagawa dahil walang mabibiling ganitong piyesa sa Pilipinas. Kailangan pa raw umorder sa ibang bansa kaya parang bumili ka ng bagong hearing aid. Ang bumili ng isang bagong buong hearing aid ang karaniwang rekomendasyon ng ilang hearing aid clinic. Kaya mawawalan ng saysay ang hearing aid na binili mo sa halagang mahigit P20,000 at napakinabangan mo lang sa loob ng tatlo o limang taon. Sa mahihirap na mamamayan, napakalaking halaga na nito na mahirap kitain.
Meron namang mga pangkawanggawang organisasyon na nagbibigay ng libreng hearing aid. May mga pulitiko nga rin na nagsasagawa ng ganitong kawanggawa. Pero, sa karanasan ko, ang ipinamimigay nila ay yaong mga mga mumurahin na nagkakahalaga halimbawa ng P7,000 o 10,000 na hindi naman aktuwal na nakakatulong sa isang pasyente at madaling masira.
Gayunman, merong maliliit na kumpanyang nagbebenta ng hearing aid na halagang P4,000 lang. Para itong improvised na hearing aid na parang walkman o MP3 player na ginagamitan ng headphone. Hindi nga lang ito tulad ng mga kilala o branded na mga hearing aid na ginagraduhan. Nang tanungin ko hinggil dito ang isang ENT doctor, hindi niya ito inirerekomenda. Mas mainam pa raw ang mga mamahaling hearing aid. Maaari ngang tama siya pero mas praktikal naman ito sa mga karaniwang mahihirap na mamamayan.
- Latest