Gusto mo ba ng broccoli?
NAPAKASUSTANSYA ng broccoli at cauliflower. Dahil sa taglay nitong kemikal na Sulforaphane, puwede ito makatulong sa maraming sakit tulad ng kanser, sakit sa puso, problema sa kolesterol at puwede ding pampapayat.
Ang isang tasa ng steamed broccoli (146 grams) ay may ganitong sustansya: 46 calories (hindi nakatataba), 4.6 g protein, 8.7 g carbohydrates, 6.4 g fiber, 178 g calcium, 1.8 mg iron, 50 ug vitamin A, 0.13 mg thiamin (Vitamin B1), 0.32 mg riboflavin (Vitamin B2), 1.18 mg niacin (Vitamin B3), 0.9 mg Vitamin B5, 0.27 mg Vitamin B6, 90 ug folate, at 98 mg vitamin C (doble ng ating pangangailangan sa isang araw).
Paano ang tamang pagkain nito?
Para makuha natin ang sustansya ng gulay, piliin ang pinakasariwang gulay na mabibili ninyo. Ang lahat ng parte ng broccoli at cauliflower ay masustansya.
Subukan pasingawan (steam) ang broccoli kaysa pakuluan ito. Ilagay ang broccoli sa isang steamer. Pagkaluto, ang kulay ng broccoli ay dapat manatiling berde at hindi maputla o malambot.
Isa pang paraan ay ang pag-ihaw (roast) nito ng may kaunting mantika. Ayon sa pagsusuri, kapag masyado niluto ang gulay (over-cooked), mababawasan ang sustansya nito. Bahagya lang dapat ang pagluto nito para malutong pa (half-cooked).
Ayon sa mga eksperto, dapat tayong kumain ng 3 hanggang 4 na parte ng gulay sa isang araw. Ang dami ng isang parte ay humigit-kumulang sa isang maliit na platito.
Bukod sa broccoli at cauliflower, masustansya din ang mga gulay na kabilang sa Brassica family. Ito ay ang mga bokchoy, kale at Brussel sprouts na mas hindi natin nakikita.
May pag-iingat lang po sa pagkain ng broccoli. Kung ikaw ay may mahinang thyroid gland (tinatawag na hypothyroidism), bawasan lang ang pagkain ng broccoli. Ngunit kung kayo naman ay may goiter o hyperthyroidism, baka makatulong pa ang pagkain ng broccoli.
Isa pang epekto ng broccoli ay ang paghangin ng tiyan. Para mabawasan ito, lagyan ng bawang o luya ang iyong broccoli. May dagdag sustansya pa ang bawang at luya.
Ito ang listahan ko ng pinakamasustansyang gulay: kamatis, karrots, malunggay, at siyempre, broccoli at cauliflower. Protektahan ang iyong sarili sa kanser at sa dami ng polusyon sa paligid. Kumain ng broccoli at cauliflower ng mas madalas.
- Latest