Paano paghahandaan ang parating na bagyo?
SA nakaraang kolum, tinalakay ko ang paghahanda sa “grab bag”. Ito ay isang bag na naglalaman nang mga mahalagang bagay na kailangan sa panahon ng kalamidad, kasama na ang lindol at bagyo. Sa panahon ng emergency, isang hablot lang sa bag ay madadala na ang lahat nang kailangan.
Ngayon ay tatalakayin ko naman ang mga gagawin kung may parating na bagyo:
Tiyakin kung anong signal ng bagyo ang paparating sa inyong lugar.
Laging makinig sa radyo o telebisyon tungkol sa mga updates ng pabago-bagong direksyon at kaakibat na lakas ng hangin ng bagyo.
Kahit sabihing nasa signal 1 lamang ang bagyo, paghandaan pa rin ito. Anumang bagyo ay di dapat binabalewala. Hindi tayo nakasisiguro sa dala nitong pag-ulan.
Sumunod sa advisory na ibibigay ng mga lider sa inyong barangay. Kung sabihin nilang kailangan ninyong lumikas mula sa inyong tinitirhan, tumalima agad. Tiyaking nakakandado nang maayos ang iiwanang bahay.
Kung nakatira kayo malapit sa dagat, maging mapagmasid sa posibilidad ng pagtaas ng tubig. Alamin din kung may banta ba ng storm surge sa inyong lugar. Iba na ang intensity ng mga bagyo at pagbabaha ngayon dulot ng climate change. Ang mga lugar na dati-rati’y di binabaha o lumulubog sa baha ay tinatamaan na ngayon.
Pagsama-samahin sa isang water-resistant na lalagyan ang mga mahahalagang dokumento gaya ng mga titulo ng lupa at ibang pag-aari, pasaporte, mga kontrata, pera, mga alahas, gayundin ang mga litratong mahalaga sa inyo.
Maghanda rin ng lalagyang water-resistant para sa inyong laptop (kung meron), iPAD (kung meron), cellphone, at iba pang gadgets
Maghanda ng isang water-resistant na backpack na maaaring paglagyan ng ilang praktikal na bagay gaya ng inuming tubig, mga gamot, pagkain, at ilang damit.
Maghanda ng mga rechargeable lamps at kandila sakaling patayin na ang daloy ng kuryente sa inyong lugar.
Ipaliwanag sa kapamilya, lalo na sa mga bata, kung ano ang ibig sabihin ng mga “signal” ng bagyo. Hingin ang kanilang kooperasyon tungkol dito.
Sa panahong wala pang bagyo, maipapayong mag-aral maglangoy. Mabuti na ang may laban sakaling lampas-tao ang maging pagbaha.
Kung posible, mag-ingat ng life vest, ekstrang salbabida, at iba pang inflatable na kagamitan sa bahay.
- Latest