Pangakong napako ni Marquez!
IPINANGOLEKTA na ng weekly tong sa pasugalan at mga ilegal sa Calabarzon ng mga kolektor na sina Ryan Bacordo at PO2 Tony Villacorta ang opisina ni PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez? Ito ang kumakalat na katanungan ngayon sa Calabarzon matapos doblehin mula noong nakaraang linggo nina Bacardo at Villacorta ang weekly tong para sa opisina ni CIDG director Chief Supt. Victor Deona. Siyempre, nagulat ang mga players! Hindi naman kasi binabanggit ng dalawang Doberman ang pangalan ni Marquez subalit ang sapantaha ng mga players ang doble sa tatanggapin ni Deona ay para kay PNP chief. Get’s n’yo mga kosa? Base kasi sa pananaliksik ng players, hindi naman matakaw sa pitsa si Deona, hehehe! Baka ngayon na naka-puwesto na siya sa CIDG ay nag-iba ng anyo si Deona, ganun ba ‘yon mga kosa? Tumpak!
Kung sabagay si Bacordo ang pumalit sa bata ni Marquez na tong kolektor na si Lito Guerra alyas Bombay sa larangan ng tong collection sa Calabarzon. Ang pagbitaw ni Bombay ay maaring napunuan ni Bacordo, di ba mga kosa? Maliban sa opisina nina Marquez at Deona, kinokolekta din ng weekly tong nina Bacardo at Villacorta, kasama si Atty. Gerry Asuncion, ang para kay Calabarzon police director Chief Supt. Richard Albano, Special Police Assistant ng DILG na si Chief Supt. Bart Tobias at maging ang Office of Internal Security (OIS) ni DILG Sec. Mar Roxas, ang NBI Calabarzon at pati na ang media na ang timon ay si kosang Cris Ibon. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Hindi naman kasi kasama sa pangako ni Marquez sa kanyang acceptance speech na paiigtingin niya ang kampanya laban sa ilegal gambling, di ba mga kosa? Kaya hayan, laganap ang gambling at iba pang ilegal sa Calabarzon at walang ginagawa ang pulisya.
Nabanggit ko na rin lang ang pangako ni Marquez sa acceptance speech niya, ang napupuna ng mga Pinoy ay ang kawalan ng pulis sa kalye. Mahigit isang buwan na sa puwesto si Marquez subalit hanggang sa ngayon, hindi pa nasisilayan ng publiko ang mga unipormadong pulis sa kalye, hindi lang sa Metro Manila, kundi sa iba pang bahagi ng bansa? Maging si dating Vice President at ngayon ABS-CBN news anchor Noli de Castro ay napansin ang kawalan ng pulis sa kalye na naging dahilan para tumaas ang bilang ng kriminalidad, lalo na sa Metro Manila. Baka mabagal lang mag-implement ang mga district at regional directors sa pag-download ng mga pulis sa kalye? Hehehe! Si Gen. Marquez lang ang may alam sa kasagutan ng katanungan na ito, di ba mga kosa?
Subalit kung si NCRPO director Chief Supt. Joel Pagdilao ang tatanungin, bumaba ang crime rate sa Metro Manila nitong nagdaang mga araw dahil sa nagkalat na pulis sa kalye sa Metro Manila. Naglabas pa ng figures si Pagdilao para patunayan ang inanunsiyo n’ya. Kaya lang, hindi nasilayan ng publiko, kasama si kosang De Castro, ang pulis sa kalye hanggang sa ngayon, hehehe! Tiyak yun! Ilang beses bang hinamon ni De Castro sa telebisyon si Marquez na, “Walk the talk,” dahil sa hindi pagsulpot ng mga pulis sa kalye? Tumpak!
Ang isa pang semplang na pangako ni Marquez ay ang meritocracy sa promotion ng mga pulis kung saan napapuwesto si Chief Supt. Rudy Lacadin bilang hepe ng PRO3 kahit siyam na buwan na lang at magreretiro na s’ya. Isama ko na sina Supt. Glen Dumlao ng MVCO sa HPG sa Camp Crame at Supt. Arthur Bisnar,ng CIDG PRO4-A, na kapwa nagpalamig sa United States ng mahigit 10 taon subalit pagbalik sa Pinas ay napremyuhan pa ng “juicy” o may pitsa na position. Hayyy! Habang hindi natutupad ni Marquez ang kanyang mga pangako, kumakalat ang balita na figurehead lang siya ng PNP! Abangan!
- Latest