Lalaki sa UK, nakatanggap ng tarantula sa package!
GANOON na lamang ang pagkagulat at pangingilabot ng isang lalaki nang buksan ang parcel na ipinadala sa kanyang bahay sa Bristol. Isang malaking tarantula ang kanyang nakita sa loob ng parcel. Napag-alaman na ang arachnid ay isang Brazilian Salmon Pink Bird-eating tarantula. Ito ang ikatlo sa pinakamalaking species ng spider sa mundo.
Nalaman ng lalaki na ang tarantula ay pinadala ng dating may-ari ng bahay sa Brazil subalit ni-reject sa destinasyon kaya ibinalik muli sa pinanggalingan (return to sender) ang package.
Ayon sa report ang tarantula ay may ilang linggo na sa special container. Napuna na wala nang balahibo sa dibdib ang tarantula. Ayon sa veterinarian na nag-examine sa tarantula, na-dehydrate na ito dahil sa matagal na pagkakulong sa container.
Pinapayagan naman daw na ipadala sa pamamagitan ng post office ang mga insects at iba pang living creatures basta mayroong malinaw na labeled na itinakda ng postal service.
Sa kasalukuyan ay nakaka-rekober na ang tarantula sa animal rescue center na pinagdalhan ng lalaking nakatanggap. Ayon sa mga nasa rescue center, ihahanap nila ito ng taong mahilig mag-alaga ng spider.
- Latest