Kilalanin si Ursula, ang matalinong pugita na kayang magbukas ng garapon at kandado
SI Ursula ay isang pugita at napakatalino niya. Kayang-kaya niyang lutasin ang mga palaisipang ibinibigay ng kanyang mga amo na taga-Devon, England.
Dalawang taon na si Ursula kaya matanda na siya para sa isang pugita. Ito ang dahilan kung bakit naisipan ng mga nag-aalaga sa pugita na imbitahan ang mga tao na gumawa ng mga palaisipang maaring lutasin at magbigay libangan sa kanya bago siya pumanaw.
Si Ursula ay nasa isang aquarium sa Living Coast Zoo & Aquarium. Sa sobrang katalinuhan at maparaan, kayang-kaya niyang buksan ang takip ng mga garapon, magbukas ng kandado, at magkalas ng mga laruang gawa sa Lego. Nagawa na rin niyang matutunan ang pagbukas ng casing ng isang waterproof camera sa loob lamang ng 10 segundo na masasabing mas mabilis pa sa ibang tao.
Hindi na naman ikinagugulat ang pagiging matalino ni Ursula dahil likas na mas matalino ang mga pugita kumpara sa ibang hayop. Kaya ng isang pangkaraniwang pugita na kilalanin ang hugis, kulay, at sukat ng isang bagay.
Kinikilala sa United Kingdom ang talino ng mga pugita kaya ipinagbabawal doon ang paggamit sa mga ito para sa scientific experiments.
Naniniwala naman ang mga nagmamay-ari kay Ursula na malulutas nito ang anumang palaisipang ihaharap sa kanya.
- Latest