EDITORYAL – Patuloy ang banta ng MERS-CoV
MGA overseas Filipino workers (OFWs) ang naka- harap sa panganib ng sakit na Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV). Kamakalawa, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na apat na Pinay nurses ang nagpositibo sa MERS-CoV. Ang Pinay nurses na may mga edad 29 at 32 ay pawang nagtatrabaho sa isang ospital sa Riyadh. Ayon sa DFA, nasa intensive care unit (ICU) ang dalawa sa mga nurses samantalang ang dalawa ay under observation.
Agad nagbabala ang gobyerno ng Pilipinas sa mga OFW sa Saudi na mag-ingat at panatilihin ang proper hygiene. Hindi kataka-taka na mag-alala ang gobyerno ng Pilipinas sapagkat may mga Pilipino nang namatay sa sakit na ito. May Pinoy na namatay sa United Arab Emirates noong Abril 2014. Noong Marso 2015, limang Pinoy health workers sa Saudi ang nag-positive sa MERS-CoV.
Ang sintomas ng MERS-CoV ay lagnat, ubo, paninikip ng dibdib at pagtatae. Una itong nadiskubre sa Jeddah, Saudi Arabia ng isang Egyptian doctor na si Ali Mohamed Zaki noong Setyembre 24, 2012. Nanggaling umano ang virus sa isang uri ng paniki na tinatawag na Egyptian tomb bat.
Mahalagang malaman ng mamamayan na delikado ang MERS-CoV kaya nararapat ang pag-iingat at ang kahalagahan ng kalinisan sa katawan. Nakamamatay ang sakit kaya nararapat ang pag-iingat.
Paigtingin naman ng Department of Health (DOH) ang kanilang kampanya laban sa MERS-CoV. Hindi dapat maging kampante ang DOH sa lahat nang mga pumapasok sa bansa lalo ang mga OFW na nagtrabaho sa mga bansang apektado ng sakit. Magkaroon nang matinding monitoring sa mga pasaherong dumarating hindi lamang OFWs kundi pati mga dayuhan.
- Latest