Sampaguita (138)
NAPANSIN ni Viring na madalas na nag-uusap sina Sampaguita at Levi. Laging dumadalaw si Levi. Parang seryoso ang pinag-uusapan ng dalawa pero hindi niya marinig kung ano ang pinag-uusapan. Parang sadyang hinihinaan ang pag-uusap para walang makarinig. Pakiramdam ni Viring, nag-uusap na sa balak na pagpapakasal ang dalawa.
Sinubukan uli niyang tawagan si Ram pero gaya ng dati, hindi niya ito makontak. Busy ang phone o sadyang hindi na sinasagot ang anumang tawag. Parang ayaw nang makipag-usap si Ram. Nagsawa na siya sa pagtawag kay Ram.
Nang hapong iyon, nagpaganda nang husto si Sam. Nagbihis. At nang dakong alas singko ng hapon, dumating si Levi. Bihis na bihis din si Levi. Parang may dadaluhang party o dinner ang dalawa.
“Aalis lang kami Manang Viring. Bahala ka na rito.’’
Itatanong sana ni Viring kung saan sila pupunta pero hindi na niya ginawa. Sayang lamang ang pagtatanong dahil maraming iniiwasan.
Nang makaalis ang dalawa, si Sir Manuel ang tinawagan niya. Sabi naman ng matanda ay tawagan agad siya kapag mayroong napansing hindi maganda kay Sam at Levi.
“Sir Manuel magandang gabi po.’’
“Ano ang bagong balita kay Sam at Levi, Viring?’’
“Umalis po sila, Sir Ma-nuel at bihis na bihis pareho. Nag-aalala po ako kung saan sila pupunta.’’
“Anong oras umalis?’’
“Kaaalis lang po.’’
“Sinabi ba kung saan pupunta?’’
“Hindi po. Hindi na rin ako nagtanong kung saan sila nagpunta.’’
“Ah okey. Mabuti ngang hindi mo na tinanong.”
“Masyado na akong na-ngangamba, Sir Manuel. Parang hindi mapapagkatiwalaan si Levi.’’
“Hayaan mo lang sila.’’
“Ang isa kong pinagtataka Sir Manuel ay kung bakit hindi ko makontak si Ram. Parang ayaw na siyang makipag-usap. Maraming beses ko nang tinawagan pero hindi siya sumasagot sa tawag ko.’’
“Hayaan mo na rin siya, Viring.’’
“Ano pong ibig mong sabihin?’’
“Inaalis ko na si Ram sa listahan, Viring.’’
(Itutuloy)
- Latest