CGMA, Palayain din:
MAITUTURING na isang pamantayan sa pagpapairal ng batas sa bansa ang pinakahuling desisyon ng Supreme Court na nagbigay ng pahintulot upang pansamantalang makapagpiyansa at makalaya si Senator Juan Ponce Enrile.
Isang bagong argumento ang binigay ng SC at ito ay ang humanitarian reason na maaring katanggap-tanggap naman sa lahat lalo pa’t 91 anyos na si Enrile.
Sa aking pananaw ay hindi na dapat kuwestiyunin ang desisyon ng SC at mayorya ng mga mahistrado ang nagpasya rito.
Pero sa halip na kuwestiyunin ay marapat na ipatupad din ng SC sa iba pang kaso ng mga bilanggo mula sa mga senior citizen tulad sa kaso ni dating President at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.
Si GMA ay nahaharap din sa kasong plunder tulad ni Enrile at kung ang isyu ng humanitarian concern na argumento ng SC ay saklaw dito si GMA dahil kumpirmadong ito ay may mabigat na karamdaman.
Kita naman sa pangangatawan ngayon ng dating Presidente na may karamdaman ito at hindi lang umaarte bukod pa sa pagpapatunay ng mga doktor ng gobyerno.
Hindi ako abogado pero ayon sa ilang eksperto sa batas ay maituturing na inosente pa rin ang mga kinasuhan tulad ni Enrile at GMA habang wala pang pinal na desisyon sa korte kung kaya kahit pa mabigat ang kaso ay maaring mapalaya pansamantala sa kadahilanang hindi ito tatakas sa paglilitis.
Sa ngayon ay agad ng maghain ng apela ang iba pang matatandang bilanggo sa SC at maoobliga ang mga mahistrado na pagbigyan ito kung may matibay na basehan kaugnay ng humanitarian concern.
Sana ay makapagbigay ng halimbawa ang SC sa isang matandang may kaso subalit isang mahirap na mamamayan upang hindi maakusahan na para lang sa mga mayayman at maimpluwensiya ang ganitong paborableng desisyon.
Abangan kung may mga ilalabas na desisyon ang SC na kahalintulad o kasing bigat ng kaso ng ni Enrile upang mabura sa isipan ng publiko na may pinipili ang hustisya sa bansa.
- Latest