Tiis-tiis sa trapik!
Tiis-tiis muna sa trapik.
Ito ang panawagan ng gobyerno sa ating mga kababayan na araw-araw na dumadaan sa kalbaryo sa lansangan partikular sa Metro Manila.
Hindi lang ngayon narinig ang ganitong panawagan, kahit sa mga nakalipas na taon, sinabi na rin at ipinakiusap na ito ng pamahalaan, pero mukhang walang katapusang tiisin talaga ang problema sa trapik.
Kung baga matagal na ang ipinagtiis, pero hanggang ngayon tiis-tiis pa rin.
Siguradong madaragdagan pa ang iyong ipagtitiis dahil sa pagpasok ng ‘ber months’ na sa ganitong panahon marami ang lumalabas ng bahay at bising-bisi ang mga lansangan.
Ang tanong nga ng marami, ok lang naman daw magtiis kung may nakikita silang sinisimulang solusyon ang pamahalaan ukol dito. Sa kanilang pakiramdam walang ginagawang paraan, kundi ang bukang bibig eh tiis-tiis na lamang.
Bukod sa dumaraming sasakyan na hindi naman nadaragdagan na lansangan, isa pang nakikitang ugat nito ay ang malambot na pagpapatupad ng mga batas at mga patakaran sa mga lansangan. Bigo rin ang maraming mga local government units na walisin ang mga sagabal sa daan. Ito yung mga walang patumanggang pagpa-park sa mga lansangan na nakakaragdag sa pagbigat ng trapiko.
Ang matatagal ng hukay o konstruksyon sa lansangan na mukhang papetik-petik ang gawa kaya nagtatagal.
Ang solusyon sa problemang ito ang hinihintay na mabigyang pansin ng mga nagbabalak tumakbo sa pagka-Pangulo, na nakakapagtaka dahil hindi nababanggit kahit isa sa kanila.
- Latest