Aksidente sa lansangan lalong tataas pagsapit ng ‘ber months’
Ilang araw na lamang at papasok na ang ‘ber months’ na dito hindi lang krimen ang inaasahan ng PNP na tataas, kundi maging ang aksidente sa mga lansangan.
Sa ganito raw kasing mga panahon busy ang maraming tao, kaya marami ang mga sasakyan sa labas kung saan lalong magpapatindi sa daloy ng trapiko.
Sa tala ng PNP-Highway Patrol Group umabot sa 567 katao ang iniulat na nasawi habang nasa 5,220 naman ang nasugatan sa kabuuang 11, 285 aksidente sa lansangan na naganap sa buong bansa mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito.
Hanggang Hunyo pa lang yan, eh pagpasok pa nga ng ‘ber months’ inaasahan ang pagtaas nito. Ganito ang kondisyon sa ating mga lansangan sa kasalukuyan. Bukod sa hindi nga maayos na mga pangunahing daan, sangkaterba talaga ang balasubas na mga driver bukod pa sa kulang na mga signages na gabay sa mga driver.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon ng PNP-HPG , na katulad din ng inilabas na pag-aaral ng World Health Organization (WHO) na karamihang sanhi ng sakuna sa lansangan ay ‘human error ‘ at kawalan ng disiplina sa pagmamaneho ng mga abusadong driver tulad ng over speeding, pagmamaneho ng lasing , paggamit ng cellphone habang nasa manibela, maling pag-overtake, maling pagliko, mahina ang maintenance at depekto ng sasakyan.
Kaya nga ang bilis ng pagtaas ng mga nagaganap na aksidente sa daan, kumpara noong nakalipas na taon.
Sa mahigit na 11,000 aksidenteng naitala, alam ba ninyong nasa 6,791 ay nangyari sa araw habang 4,494 naman ang sa gabi.
Siyempre pinakamarami sa national road na nasa 3, 884; 1,576 naman sa expressway; 2,806 sa city roads; 1;557 sa village roads; 568 sa municipal roads ; 735 sa provincial roads habang nasa 154 naman sa Star Tollway.
Kaya nga bukod marahil sa pagsasaayos sa masamang kondisyon ng ating mga lansangan, dapat talagang magpatupad ng matinding batas para sa mga driver na masasangkot sa malalagim na aksidente, lalu na nga’t mapapatunayan na ito ay human error.
Eto payo na rin natin sa mga commuters, huwag kayong matakot na sawayin ang mga kaskaserong driver na inyong nasasakyan o kaya babaan na lang ninyo , kunin ang plaka saka ireport sa kinauukulan.
Huwag nang isipin ang abala, kaysa naman manatili ang ganyan sa mga kalsada.
- Latest