EDITORYAL – Drug testing sa bus drivers
NASA peligro ang buhay ng mga pasahero kung ang drayber ng sinasakyan nilang bus ay nasa impluwensiya ng bawal na droga. Imagine, tiwalang-tiwala ang mga pasahero na sa pagsakay nila sa bus ay makakarating sila nang ligtas sa patutunguhan pero kabaliktaran dahil dinala sila sa “hukay’’. Iyon na pala ang huli nilang biyahe.
Ganito ang nangyari sa Valisno Express (Plate No. TXV-715) na bumangga sa konkretong arko sa Quirino Highway sa boundary ng Quezon City at Caloocan City noong nakaraang Miyerkules ng umaga. Sa lakas ng pagbangga, nahati ang bus at apat na pasahero ang namatay.
Tumakas ang drayber ng bus pero nahuli rin kaagad sa bahay nito sa San Jose del Monte, Bulacan. At nang isailalim sa drug testing, nagpositibo ito sa paggamit ng droga. Ayon sa Quezon City Police District Traffic Sector, nag-shabu muna ang drayber na si George Pacis, 35, bago bumiyahe.
Nang kapanayamin si Pacis, nakangiti pa siya at walang bakas ng pagsisisi habang ikinukuwento ang mga pangyayari. Ayon sa kanya, narinig daw niya ang isang pasahero raw na nagsabing napakabagal niyang magpatakbo. Kaya ang ginawa niya, binilisan ang pagpapatakbo sa bus. Nag-overtake umano siya sa isang sasakyan habang nasa kurbada at nabulaga siya sa konkretong arko na nagsisilbing marker ng boundary. Pero sabi ni Pacis, aksidente lang daw iyon at muli siyang napangiti.
Sinampahan siya ng mga kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical injuries at multiple homicide, paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code (abandoning a person in danger or one own’s victim) at paglabag sa Republic Act No. 10586 o driving under the influence of dangerous drugs.
Palatandaan na ang isang tao ay nasa ilalim ng bawal na droga ay ang hallucination. Pakiramdam din niya ay may nag-uutos o nag-uudyok sa kanya na gawin ang isang bagay. May mga naririnig siyang tinig na umaalunignig sa kanyang utak at nagdudulot ng pagkalito. Hanggang sa malaman na lamang niya na nagawa na ang karumal-dumal na krimen. Nakakatakot kung ang drayber ng bus ay nagti-trip. Dapat isailalim sa mahigpit na drug testing ang mga drayber ng bus. Dapat buwan-buwan ay magkaroon ng pagsusuri para masiguro na hindi sila nagsa-shabu.
- Latest