EDITORYAL – Armadong hukbo ng mga pulitiko, buwagin
HANGGANG sa kasalukuyan, marami pa ring pulitiko ang may private army. May sariling arsenal. Isang kumpas lang sa mga tauhan ay gagawin ang ipinag-uutos. Ayon sa report, karamihan sa mga pulitiko na nagmi-maintain ng sariling hukbo ay nasa Northern Luzon at ilang bahaging Mindanao. Layunin nila sa pagkakaroon ng sandatahang grupo ay para mamayani sa pagsapit ng election.
Wala pa rin silang ipinagkaiba sa mga pulitikong namayani noong dekada 70 at 80 na nananakot sa mga botante at ibinando ang tatlong ‘‘G’’ – gun, gold at goons. Kabi-kabila ang pagpapatayan ng mga magkakalabang pulitiko. Kahit magkakamag-anak ay wala nang kinikilala basta ang mahalaga ay manalo sa eleksiyon.
Ang ganitong praktis ang ayaw mangyari ng kasalukuyang administrasyon kaya ipinag-utos ni President Noynoy Aquino noong nakaraang linggo sa Philippine National Police (PNP) na lansagin ang private armed groups. Ginawa ng Presidente ang direktiba habang papalapit na ang pagpa-file ng certificate of candidacy para sa 2016 presidential elections. Nais ng Presidente na masiguro ang malinis at matiwasay na election. Ang kampanya laban sa armadong hukbo ng mga pulitiko ang mabisang paraan para maging malinis ang election. Kung malalansag ang mga ito, makatitiyak ang mamamayan na walang kaguluhan saan mang dako ng bansa.
Para maging madali ang pagbuwag sa armadong hukbo, magsasagawa ng kampanya ang Philippine National Police sa pagsamsam sa mga hindi lisensiyadong baril. Kung hindi magkakaroon nang ma-tinding kampanya laban dito ang PNP, mawawalan ng saysay ang direktiba ni P-Noy. Siguruhin ng PNP na walang makakalusot na baril.
Pangalawang paraan para ganap na malansag ang armadong grupo ay ang pag-reshuffle sa mga pulis na nagiging “bata-bata” ng mga pulitiko. Ilipat ang mga pulis para hindi magamit ng mga pulitiko sa eleksiyon. Kapag nagawa ang dalawang hakbang na ito, magiging matiwasay ang election.
- Latest