Sampaguita (130)
PERO pumayag si Sam sa anyaya ni Levi na kumain sila sa labas. Halos hindi humihinga si Viring sa pakikinig sa dalawa. Gusto man niyang sabihan ang kanyang Senyorita Sam ay wala siyang magawa dahil maid lamang siya. Baka mapagalitan siya at mapaalis sa trabaho.
“Sige Levi, sasama ako,” sabi ni Sam. “Kailan ba?’’
“Tomorrow. Mga 6:00 ng gabi.’’
“Okey, no problem.’’
“Maraming salamat Sam. Sabi ko na nga ba at hindi mo ako hihiyain.’’
“Malaki ang utang na loob ko sa’yo Levi.’’
“Salamat, Sam. Maraming salamat.’’
“Bukas, daanan mo ako rito.’’
“Sure Sam. Darating ako.’’
Nagpaalam na si Levi.
Kunwari naman ay walang narinig si Viring at nagpatuloy sa ginagawa. Napansin niyang masigla si Sam makaraang makaalis si Levi. Talagang nahulog na yata ang loob niya kay Levi. Mula nang saklolohan siya ni Levi, parang naging maamong tupa siya sa lalaking iyon. Sabagay, napansin naman niyang tila matino na si Levi. Pero naalala niya ang sinabi ni Ram noon na hindi dapat pagtiwalaan si Levi.
Hindi malaman ni Viring ang gagawin ngayong sasama na si Sam sa pakikipag-date kay Levi.
Kinabukasan, bihis na bihis si Sam. Eksaktong alas-sais ng gabi ay dumating si Levi para sunduin si Sam.
Nagpaalam si Sam kay Viring.
“Manang Viring, kakain kami sa labas ni Levi. Ikaw na muna ang bahala rito.’’
“Oo, Sam.’’
Umalis na ang dalawa. Kinabahan si Viring. Baka kung ano ang gawin ni Levi at mapahamak si Sam.
Pasado alas-dose na ng umuwi si Sam at Levi. Narinig niyang nagtatawanan ang dalawa habang nasa may pintuan. Masayang-masaya si Sam.
Nang sumunod na araw, magkasama nang nagsu-swimming ang dalawa. Naalarmang lalo si Viring.
Naisip niya, tawagan kaya niya si Sir Manuel? Kailangang malaman niya ito.
(Itutuloy)
- Latest