EDITORYAL - Ano ba ang kasalanan ng SAF 44?
MARAMING beses nang hindi nabanggit ni President Noynoy Aquino ang 44 na bayaning nabuwal sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015. Para bang ayaw nang pag-usapan ang police commandos na naging daan para mapatay ang teroristang si Marwan. Brutal na pinatay ang SAF 44 ng magkasanib na Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Kahit nakabulagta na, walang awang pinagbabaril ang SAF at pinagnakawan pa. Isa lamang ang nakaligtas sa masaker. Hanggang ngayon, hindi pa nakakamit ng mga naulila ng SAF 44 ang hustisya. Patuloy silang umaasa kahit nakikita nilang hindi nabibigyan ng Presidente nang tamang pagkilala ang kabayanihan ng mga napatay. Noon pa, walang pag-amin ang Presidente sa totoong nangyari kung bakit napatay ang SAF 44. Sila lamang ni dating PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima ang magkausap kaya naisagawa ang operasyon.
Nangyari na ang masaker. Wala nang maibabalik na buhay. Kahit umiyak nang umiyak ang asawa, anak, magulang ng SAF 44 hindi na maibabalik ang nangyari.
Subalit ang ikinasasakit ng kanilang loob ay kung bakit tila ayaw na itong pag-usapan pa. Tila ayaw nang alalahanin ng Presidente. Sa simula pa lang, hindi na sinipot ng Presidente ang pagdating ng mga bangkay sa Villamor Airbase. Umani ng batikos ang Presidente na naging dahilan ng pagbaba ng kanyang rating.
Pero nang mag-SONA ang Presidente noong Hulyo 27, hindi niya nabanggit ang SAF 44. Kasunod ay ang pag-snub umano ng Presidente sa dalawang SAF officers na sina PO2 Romeo Cempron at Supt. Raymund Train. Namatay si Cempron at nakaligtas naman si Train. Umano’y napabalitang bibigyan ng Valor award ang dalawang officers. Inimbitahan na raw ang maybahay ni Cempron para tumanggap ng award subalit hindi umano iyon nagkaroon ng katuparan.
Bakit ganito ang ginagawa sa SAF 44? Ano ba ang kasalanan ng mga ito sa bayan? Dapat may mamulat na mga mata sa nangyayaring kontrobersiya.
- Latest