Higanteng Lapu-Lapu nalambat sa Camsur
ISANG dambuhalang lapu-lapu ang nalambat ng mga mangingisda sa karagatang malapit sa baybayin ng Calabangga, Camarines Sur kamakailan. Sa sobrang laki ng isdang kanilang nahuli ay halos hindi na ito nagkasya sa tricycle na naglulan sa isda papunta sa bayan.
Kamakailan lang nahuli ang dambuhalang lapu-lapu at ayon sa balita ay tinatayang nasa 150 kilos ang bigat nito. Hindi naman nagtataka ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagkakahuli ng isang dambuhalang isda sa karagatang malapit sa nasabing bayan. Itinuturo nilang dahilan ang maayos na pangangalaga ng mga kinauukulan sa fish sanctuary sa lugar sa pagkakaroon ng mga malulusog at malalaking isda.
Dahil sa mabuting pangangalaga sa mga ito ay maari pa nga raw na may mas malalaki pang mga isda sa fish sanctuary bukod sa nahuling lapu-lapu. Dagdag pa ng ahensya na sisiguraduhin nila ang pagkakaroon ng masaganang huli sa lugar sa pamamagitan ng maigting na pagpapatupad ng mga batas laban sa illegal fishing.
Hindi ito ang unang beses na may napabalitang dambuhalang isda na nalambat ng mga mangingisda. Noong 2012 ay nakahuli rin ng isang higanteng lapu-lapu na kasinlaki ng tao ang mga mangingisda sa Eastern Samar.
- Latest