EDITORYAL – Maagang pamumulitika
HINDI makaugaga ang Commission on Elections (Comelec) sa dami ng problema ukol sa gagamiting machines sa 2016 elections. Ang balak na computerization ng election ay nanganganib na di matuloy at magbalik sa mano-manong bilangan. Nabigo sa ikalawang pagkakataon ang bidding para sa may 82,000 PCOS machines na nagkakahalaga ng P3.13 billion. Dahil dito, malamang na ma-shelve ang planong automated election. Pero sabi ng Comelec, gagawin ang lahat nang paraan para matuloy ang computerization.
At habang abala ang Comelec, abala na rin naman ang mga pulitiko sa pagpapakilala sa kanilang mga nasasakupan. Maraming gimik nang lumulutang para matandaan ng botante ang kanilang pangalan at mukha.
Isa sa mga gimik ng pulitiko ay ang pagpapagawa ng mga tarpaulin na may nakasulat na “HAPPY FIESTA” o kaya’y “MALIGAYANG PAGTATAPOS” na binabati ang nag-graduates at iba pang greetings. Marami pang gimik ang mga pulitiko at habang papalapit ang filing ng certificate of candidacy, tiyak na darami pa ang mga nakasabit na tarpaulin sa mga kable. Magdidilim ang kalsada sa dami ng mga nakasabit. Maraming ganitong gimik sa Quezon City. Ngayon pa lamang, namumutiktik na sa mga nakasabit na tarpaulin ang mga kawad ng telepono at cable sa kalye.
Ang matindi, pati ang stop light ay hinarangan na ng tarpaulin ng mga pulitikong maaagang nangangampanya. Dahil sa pagtakip sa stop light, hindi na makita ng motorista ang ilaw at nagiging dahilan ng aksidente.
Sa mga kalyeng malapit sa Mindanao at Visayas Avenue sa Proj. 6 Quezon City, marami nang naka-sabit sa mga kawad at poste ng kuryente. Madilim na ang lugar sapagkat tinakpan na ng mga tarpaulin ng mga may balak tumakbo. Ang ilan sa mga tarpaulin ay delikado sapagkat nilalagyan pa ng pabigat na bato na singlaki ng kamao. Kapag nalaglag ang bato, swak sa ulo ng nagdaraan o sa bubong ng sasakyan.
Abala ang Comelec at malabong makita ang maagang pamumulitika. Magtutuluy-tuloy na ang ginagawang ito ng mga pulitikong sigurista.
- Latest