Doktor sa Amerika, nararamdaman ang sakit ng kanyang mga pasyente
PANGKARANIWAN na sa mga tao ang makiramay sa hirap na nararanasan ng ibang tao. Ngunit kakaiba si Dr. Joel Salinas ng Massachusetts dahil hindi lang hanggang pakikiramay ang nararamdaman niya para sa kanyang mga pasyente.
Nararamdaman din kasi niya mismo ang pisikal na sakit na nararanasan ng kanyang mga pasyente dahil sa pagkakaroon niya ng isang kakaibang kondisyon na kung tawagin ay mirror-touch synesthesia.
Si Dr. Salinas ay isang neurologist sa Massachusetts General Hospital at mula pagkabata ay mayroon na siya ng nasabing kondisyon. Hindi naman daw kasintindi ng sakit na nararamdaman ng kanyang mga pasyente ang sakit na kanyang nararamdaman ngunit sapat na raw ito upang magbigay sa kanya ng pagkabalisa. Natatandaan pa niya noong siya ay nag-aaral pa lamang ng medisina nang minsang makapanood siya ng pagputol sa isang braso. Naramdaman niya ang sakit at pati na rin ang pagdanak ng dugo dahil sa pagputol.
Bihira lamang ang mga taong may synesthesia dahil tinatayang nasa isa hanggang dalawang porsiyento lamang ng buong populasyon ang mayroon nito. Ang kondisyon na ito ay sanhi ng pagkakaroon ng mga neurons sa utak na nagre-react sa mga nakikita ng may synesthesia. Ipinadadala nila sa utak ang sensasyong nadarama ng mga taong nasasaktan na nakikita ng may nasabing kondisyon.
Kapaki-pakinabang naman para kay Salinas ang pagkakaroon niya ng synesthesia dahil nagagamit niya raw ito upang mas lalo niyang maunawaan ang pinagdaanan ng kanyang pasyente.
- Latest