Healthy ba ang diet na gulay at prutas?
KAPAG binanggit natin ang diet na gulay at prutas, agad nating sinasabing, “wow, healthy!” Pero gaano nga ba ka-healthy ang diet na ito? Paano ang mga diabetiko na dapat ay kontrolado lamang ang level ng blood sugar sa katawan? Paano ang mga taong may sakit sa puso? Okey lang ba ang lahat ng prutas?
Actually, lahat naman ng prutas ay puwedeng kainin ng may sakit sa puso. Pero mahalagang limitahan lamang ito sa 3 piraso bawat araw (kung ubas, dapat ay 5 piraso lamang).
Maipapayo ring iwasang uminom ng purong fruit juice. Bakit? Hindi ba’t mas maganda ‘yun? Ang mga prutas kasi ay nagtataglay ng sugar na kung tawagin natin ay “fructose.” Kaya kapag piniga natin ang mga prutas na ito at ginawa nating juice, tiyak na mataas ang sugar content nito. Hindi ito mabuti sa mga taong diabetiko sapagkat puwede nitong itaas ang level ng inyong blood sugar. Mas lalo namang mas mataas ang sugar ng mga artificial fruit juices. Kaya sa mga taong diabetiko, sinasabi nating iwasan na ang mga juices at softdrinks.
Kung mataas ang sugar content ng ating kinakain, naa-activate ang ating lapay (pancreas0 na magpundar ng insulin. At ang insulin na ito ang magtutulak sa atay na lumikha ng mas maraming kolesterol sa loob ng katawan. Pati ang level ng “triglycerides” (isa pang uri ng bad cholesterol) ay pihado ring tumaas.
Ipinapayong iwasan din ang mga panghimagas (desserts) na matatamis sapagkat ganun din ang epekto nito.
Tungkol naman sa pagkain ng gulay, okay din ito. Puwede nating kainin ang kamote, gabi, ube, at patatas (mas maigi kung nilaga lamang ito; hindi sa anyo nitong French fries o kung may halong cheese at bacon sapagkat may dagdag na itong fats). Mainam din ang broccoli, spinach, talong, asparagus, labanos, celery, sibuyas, carrots, mais, repolyo, letsugas. Okay ding kainin natin ang singkamas, kamatis, pipino, o kalabasa. Sa madaling sabi, kahit anong gulay ay puwedeng kainin.
Pero para sa mga taong may sakit sa puso, ipinagbabawal ang pagkain ng avocado. Sinasabing nagtataglay ng mataas na level ng fats ang avocado (na sadyang kakatwa para sa isang prutas/gulay). Ang mga taong walang sakit sa puso ay puwedeng kumain ng kahit maraming avocado basta’t tiyakin lamang na mababa ang level ng blood cholesterol.
Lahat din ng gulay na madahon at may talbos ay maganda sa katawan.
- Latest