EDITORYAL – Sige, isulong ang Anti-Dynasty Bill!
ISA lang ang magandang napakinggan sa huling State of the Nation Address (SONA) ni President Noynoy Aquino kahapon at ito ay ang may kinalaman sa Anti-Dynasty Bill. Kung magkakaroon nang kaganapan ang Anti-Dynasty Bill ito ang puputol sa katakawan nang maraming pulitiko ngayon. At sana, bago bumaba si P-Noy sa 2016 ay maisabatas ito. Kung hindi pa rin ito maisabatas, wala na talagang pag-asang mabasag ang pagkagahaman sa puwesto ng mag-aama, mag-iina, magkakapatid at magpipinsan. Mananatili ang masamang sistema na sa isang lungsod at bayan ay magkakadugo ang namamayani at nagpapasasa sa kapangyarihan. Kung tunay ang binitawang salita ni P-Noy kahapon, pagsikapan niyang maipasa ang Anti-Dynasty Bill bago siya bumaba sa susunod na taon. Kapag nagawa niya, may maiiwan siyang legacy sa bansa.
Sabi ng Presidente kahapon sa may dalawang oras at 10 minutong talumpati ukol sa Anti-Dynasty Bill. “May mali rin sa pagpapakasasa sa kapangyarihan ng isang tiwaling pamilya o opisyal. “Hindi tayo nakakasiguro na malinis ang intensyon ng susunod… Kung nanaisin lang nilang habang buhay na maghari-harian para sa pansariling interes.”
Punumpuno ng laman at sustansiya ang kanyang sinabi. Halatang marami siyang pinatatamaang pulitiko na nagpapasasa sa kapangyarihan at nililipat-lipat lang ang upuan para tumagal sa puwesto.
Sabi pa ni P-Noy ang pagpabor niya para sa passage ng Anti-Dynasty Bill ang dahilan kaya hindi siya kailanman naghangad na ma-extend ang termino. Ibig niyang sabihin, laban siya sa pagpapasa sa puwesto na ang gusto ay “one to sawa”.
Hihintayin ng mamamayan ang pangako ni P-Noy ukol sa Anti-Dynasty Bill. Mayroon pa siyang nalalabing 11 buwan para maisulong ang panukalang batas para sa Anti-Dynasty. Kailangang magkaroon ito ng katuparan.
- Latest