Lalaking hindi marunong mag-French, tinanghal na kampeon ng Scrabble sa France
ANG 48-anyos na New Zealander na si Nigel Richards ang sinasabing Lebron James o Tiger Woods ng Scrabble dahil siya ang sinasabing pinakamagaling na manlalaro ng sikat na board game.
Ilang beses na siyang naging world champion ng Scrabble ngunit ipinamalas na naman niya ang kanyang kamangha-manghang galing sa laro nang siya ay tanghaling kampeon sa Scrabble tournament na ginanap sa France.
Katangi-tangi ang kanyang pagkapanalo dahil sa kabila ng patakaran na puro mga French na salita lamang ang puwedeng laruin sa torneo ay nanalo pa rin si Nigel kahit hindi siya marunong mag-Pranses. Ang alam lang niyang French na salita ay ‘Bonjour’ na ang ibig sabihin ay magandang araw at ang mga salitang Pranses para sa pagbilang na kailangan niya upang masabi niya sa kanyang katunggali ang kanyang score.
Natalo niya ang taga-Gabon na si Schelick Ilagou Rekawe. Hindi katulad ni Nigel ay bihasa si Rekawe magsalita ng French dahil dating kolonya ng mga Pranses ang ngayo’y bansang Gabon na nasa Africa.
Ayon kay Nigel, nagawa niyang manalo sa palaro dahil kinabisado niya ang lahat ng salita sa isang French dictionary sa loob ng tatlong buwan. Kakaiba ang diksiyunaryong ginamit ni Nigel dahil para talaga ito sa mga manlalaro ng Scrabble. Hindi kasi nakalagay sa diksyunaryong kanyang ginamit ang kahulugan ng bawat salita dahil ang kailangan lang namang tandaan ng mga naglalaro ng Scrabble ay ang mismong salita at ang tamang spelling nito.
Bago ang pagkapanalo niyang ito sa France, limang beses na siyang naging kampeon sa North America bukod pa sa pagiging world champion ng tatlong beses. Ito ang dahilan kung bakit para sa marami ay siya ang pinakamagaling na manlalaro ng Scrabble hindi lamang sa buong mundo kundi pati na rin sa buong kasaysayan ng nasabing board game.
- Latest