Bagong imbentong eye drops, puwedeng makakita sa dilim ang gagamit
ISANG grupo ng mga siyentista sa California ang nagsasabing nakaimbento sila ng isang klase ng eye drops na magagawang makakita sa dilim ang gagamit nito.
Ipinakita nila ang epekto ng kanilang natuklasang eye drop sa pamamagitan ng isang eksperimento. Pinatakan nila ng eye drops ang mata ng nag-volunteer at saka nila tinesting ang kakayahan nitong makakita sa dilim.
Napatunayan ng eksperimento na gumagana ang eye drops dahil malaki ang naging pagkakaiba ng kakayahang makakita sa dilim ng volunteer na nilagyan ng eye drops kumpara sa mga nag-volunteer na hindi nilagyan ng eye drops. Nagawa ng nag-volunteer na makakita sa dilim sa layong 50 metro at nagawa rin niyang makita ang mga taong nagtatago sa mga puno sa kabila ng kakulangan ng liwanag.
Gawa sa kemikal na kung tawagin ay Chlorine e6 o Ce6 ang bagong tuklas na eye drops. Galing ito sa isang klase ng isda na matatagpuan lamang sa pinakamalalalim na parte ng dagat at nagagawa nitong mas palinawin ang liwanag na pumapasok sa ating mga mata. Inihalo nila ang Ce6 sa insulin at saline upang makagawa ng isang solution na maaring ipatak sa mata ng tao.
Hindi pa handa ang mga siyentista na ipagbenta sa publiko ang nadiskubre nilang eye drops dahil aminado silang maaring may panganib ang paggamit nito. Hindi pa kasi tapos ang kanilang pagsasaliksik ukol sa iba pang epekto ng Ce6 sa mata ng tao.
- Latest